Dating kagawad ng barangay sa Santiago City, patay sa pamamaril

Denis Agcaoili and Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 11:16 PM

ISABELA - Sa kanyang mga larawan na lang mapagmamasdan ni Anita Frane ang kaniyang anak na si Freddie, 56 taong gulang at dating barangay kagawad sa Barangay Calao East, Santiago City.

Nasawi si Freddie sa pamamaril noong Linggo ng gabi.

“Hindi na sila naawa. May sakit ‘yang anak ko. May diabetes yan. Ilang buwan na lang ang buhay. Bakit pa nila ginanun. Hindi sila nakonsensya," ani Anita.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na nagpapamasahe sa kanilang bakuran ang biktima nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Naitakbo pa siya sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.

“Biglang may dumating, binaril siya. Ini-establish pa lang namin iyung motive. Nagka-conduct pa ng investigation to identify persons of interest," ani Senior Supt. Percival Rumbaoa.

Palaisipan din sa pamilya ng biktima ang motibo ng pagpatay. Buhat daw ng tumigil sa pulitika, ang vulcanizing shop at pagsasabong na raw ang pinagkakaalabahan ni Freddie.

“Ilang buwan na lang ang buhay niyan. Naglilibang na lang kaya sumasabong o nagmamanok. Eh bakit ginanyan nila. Diyos na lang ang bahala. Ipapasa-Diyos namin," ani Anita.

Ayon kay Rumbaoa, hindi rin matukoy ng pulisya kung anong uri ng baril ang ginamit dahil wala umanong narekober na basyo ng bala pero ang tiyak nila, iisang bala lang ang tumapos sa biktima.

“It would seem na professional hitman ito dahil isang bala lang ang ginamit, hagip agad yung ulo ng biktima. Dahil sa mga tao, na-tamper na ang crime scene," paliwanag niya.

Hustisya ang panawagan ng pamilya ng biktima.

Tiniyak naman ng pulisya ang masusing imbestigasyon para maresolba ang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.