Barangay captain pinagbabaril sa labas ng opisina sa Rizal

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 04:30 PM | Updated as of Jul 18 2017 02:16 AM


TERESA, Rizal - Patay ang kapitan ng Barangay San Gabriel sa bayang ito matapos pagbabarilin sa tapat ng kanyang opisina, Lunes. 

Sa kuha ng CCTV, makikita si Barangay Captain Arvin Dexter Zapanta na naglalakad sa tapat ng barangay hall, dakong alas-6:30 ng umaga. 

Hindi alintana ni Zapanta na papalapit sa kanyang likuran ang 2 lalaking sakay ng motorsiklo. 

Nang makalapit sa biktima, bumunot ng baril ang angkas ng motorsiklo at 2 beses binaril ang kapitan sa ulo, dahilan ng agaran niyang pagkamatay. 

Napag-alamang bago ang pamamaril, ilang beses pang umikot sa lugar ang 2 suspek. 

Hindi naman umano naghinala ang mga taga-barangay na target ng mga ito si Zapanta dahil wala silang alam na nakakaaway ng kapitan. 

Unang termino pa lang ni Zapanta bilang barangay chairman. Pinagtuunan niya ng pansin ang waste segregation at disaster preparedness. 

Nanawagan ang mga opisyal ng barangay para sa mabilisang paglutas sa kaso, lalo't nakita naman sa CCTV ang mukha ng gunman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.