Bangkay ng OFW mula Kuwait, wala nang internal organs

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 08:26 PM | Updated as of Jul 18 2017 02:32 AM

Wala nang mga internal organ nang maiuwi ang bangkay ng isang overseas Filipino worker na namatay sa Kuwait dahil umano sa heart attack.

Ikinagulat ng kaanak ng 38 anyos na si Teresa Quedding ang hitsura ng bangkay ng OFW na nakadilat ang mga mata, nakabukas ang bibig at may malaking tahi sa leeg hanggang tiyan. 

Duda ang mga kaanak ni Quedding sa nakasaad sa kanyang medical certificate na namatay ito dahil sa heart attack. Posible umanong may foul play dahil may pasa ang OFW sa leeg na tila sinakal.

"Nagulat po kami kasi hindi man lang naembalsamo, sabi po nila [agency] maayos, 'tsaka nasa kabaong, pero nasa plastic lang, 'tsaka parang pinahirapan pa si Mama kasi tapos hindi man lang sinabi sa amin na tatanggalin ang mga organs niya," ani Valerry Quedding, anak ng OFW.

Taliwas naman ito sa pahayag ng ahensiya ni Quedding na maayos ang kondisyon ng bangkay.

Handa umanong magbigay ng tulong ang ahensiya sa mga naulila nito.

Pakiusap naman ng mga kaanak sa netizens, huwag nang i-share ang mga retrato ng OFW sa social media.

Plano ng pamilya na ipa-autopsy ang labi ni Quedding. Nasa Maynila ngayon ang anak na si Valerry para makipag-usap sa Overseas Workers Welfare Administration at Department of Foreign Affairs.

Apat na buwan pa lang si Quedding sa Kuwait nang namatay noong Hunyo 22. 

Naiuwi ang labi ni Quedding sa Pilipinas noong Hulyo 14.

--Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.