5 patay sa magkakahiwalay na pamamaril sa Kamaynilaan

Michael Delizo, Ron Lopez, at Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 05:33 AM | Updated as of Jul 19 2017 12:16 AM

Lima ang patay sa magkakahiwalay ng kaso ng pamamaril sa Maynila, Quezon City, at Makati City nitong makalipas na magdamag.

Isa ang patay at isa ang sugatan sa pamamaril ng "riding-in-tandem" sa labas ng Altura Market, Sampaloc, Maynila.

Dead on the spot ang biktima na kinilalang si Roderick Heras, 28 anyos, isang tricycle drayber.

Ayon sa mga saksi, tatlong putok ng baril ang kanilang narinig at nakita na lamang na nakabulagta ang biktima sa loob ng tricycle na kanyang ipinapasada.

Ayon sa imbestigasyon, walang makapagsabi kung ano ang itsura ng salarin dahil nakasuot ito ng maskara at hindi nakuha ang plaka ng motorsiklo ng salarin.

Kwento ng mga kamag-anak ng biktima, wala itong kaaway kung kaya't hindi nila alam ang motibo sa pagpatay dito.

Nadaplusan naman ng tama ng bala ang nakatambay na si Jason Salazar, 26 anyos. Dinala ito sa ospital at ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng baril.

Samantala, dead-on-the-spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin habang minameneho ang kanyang ipinapasadang tricycle sa Camaro Street corner Coronet Street, Barangay South Fairview, Quezon City.

Kinilala ang biktima na si Edzel Castillo, 27 anyos, at sinasabing kalalaya lamang sa kulungan noong nakaraang linggo dahil sa iligal na droga.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, namamasada ang biktima nang magpanggap na pasahero ang gunman.

Nang makarating ang dalawa sa madilim na bahagi ng Camaro Street, pinagbabaril na ng gunman ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.

Isa ring kaso ng pamamaril ang kumitil sa buhay ng isang lalaki sa Maligaya Street corner Freedom Park Street, Barangay Batasan Hills, Quezon City.

Ang biktima ay kinilalang si Marvin delos Santos.

Ayon sa pamilya ng biktima, naka-maskara ang salarin.

Dagdag pa ng pamilya ng biktima, kauuwi lamang nito mula sa Caloocan City para bisitahin ang kanyang mga anak na nakatira sa asawa nito.

Aminado naman ang pamilya na gumagamit ng iligal na droga ang biktima ngunit hindi ito sumuko sa "Oplan Tokhang".

Hindi din malinaw sa pamilya kung ano ang motibo sa pagpatay dito.

Dead on the spot din ang isa pang biktima sa Sitio Sto. Nino, Barangay West Fairview, Quezon City, pasado alas-11 ng gabi Lunes.

Ang biktima ay nakilalang si Ferdinand Amansec. Ang kapatid nito na si Juan Carlo Amansec ay dinala sa ospital matapos silang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakilalang mga suspek.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Isang lalaki din ang natagpuang nakabulagta at duguan sa Blue Boz Street corner Blueberry Street, Barangay Rizal, Makati City.

Ang biktima ay kinilalang si Rolly Martinez, na nakasuot ng puting sando, pantalon na maong, pulang sapatos at itim na sumbrero.

Tricycle drayber ang biktima.

Ayon sa isang saksi, may nakita siyang dalawang lalaki na nag-aabang sa lugar at nakarinig siya ng apat na putok ng baril.

Mayroon mga nakakalat na basyo ng baril sa crime scene.

Inaantay pa ng pulisya ang SOCO upang imbestigahan ang nangyaring pamamaril. -DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.