Lalaki patay sa pamamaril sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2017 10:15 AM

MANILA - Dead on the spot ang isang construction worker matapos pagbabarilin sa Rosal Extension, Brgy. Payatas A sa Quezon City, Sabado.

Kinilala ang biktima na si Edmon Peñano, 43 at residente ng Sugartown Subdivision sa Batasan Hills.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit, naghihintay lamang ang biktima sa lugar pasado alas-4 ng madaling araw nang makarinig ang mga residente ng sunod-sunod na putok ng baril. 

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa katawan at leeg na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay. Anim na basyo ng bala ng baril ang nakuha sa crime scene.

Walang makapagsabi kung sino ang gunman at kung ito ay nakasakay sa motorsiklo o naglakad lamang papaalis matapos ang krimen.

Wala ring maisip na dahilan sa pamamaril ang mga kaanak ng biktima dahil wala aniyang nakakaaway ito, bagama't hindi nila alam kung ano ang ginagawa nito sa lugar nang madaling araw. 

Tinitingnan ngayon ng pulisya kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaril dahil ayon sa kapatid nito ay dating gumagamit ng droga ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.