Ilang transport group, may kilos-protesta sa Lunes, Hulyo 17

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 08:46 PM | Updated as of Jul 16 2017 10:29 PM

Magsasagawa ng kilos-protesta sa Lunes, Hulyo 17, ang mga transport group para manawagan kay Pangulong Duterte na itigil ang public utility vehicle (PUV) modernization program.

Magsisimula ang protesta ng mga grupong 'Piston', 'No To Jeepney Phaseout Coalition' at 'Save Our Jeepneys Network' sa Quezon City Elliptical Circle, alas-7 ng umaga, bago magtungo sa Mendiola.

Binatikos ni George San Mateo, presidente ng Piston ang PUV modernization program ng gobyerno at sinabing isa lang itong paraan ng gobyerno para mapasakamay ng mga korporasyon ang pampublikong transportasyon.

"Hindi naman tayo tumututol sa pagsasaayos ng ating mga sasakyan. Ang ating tinututulan lang, iyong pamamaraan ng ating pamahalaan," ani San Mateo sa panayam NG DZMM.

Aniya, kinopya lang ang nasabing PUV modernization program sa nais na ipatupad ng mga dating Transport Secretary na sina Mar Roxas at Jun Abaya noong panahon ni dating Presidente Benigno Aquino III.

"Iyan ang gusto ipatupad ng gobyernong Aquino. Tapos napigil lang natin 'yan. Tayo po ay nangalampag, nagprotesta," ani San Mateo.

Ayon kay San Mateo, imbes na i-phase out ang mga lumang jeep para sa e-jeepney, tulungan na lang ng gobyerno ang mga maliliit na operator at driver na ayusin ang kanilang unit.

Masyadong mataas ang presyo umano ng e-jeepneys para sa mga maliliit na jeepney operator. Dagdag niya, mga malalaking kompanya lang ang makikinabang sa nasabing programa.

"Dini-dispute ko ang konsepto ng gobyerno na para sa kanila, kapag ang sasakyan ay more than 15 years, [kahit] okay pa 'yan, phase out na 'yan," aniya.

Hindi lang umano ang mga operator ang maaapektuhan ng PUV modernization program, kundi pati na mga commuter dahil magtataas ang singil sa pamasahe.

Wala pang bagong pahayag kaugnay nito ang Department of Transportation.

Nauna nang sinabi ng kagawaran na inihahanda ang ayuda para sa mga tsuper na maaapektuhan nitong programa.

Samantala, suspendido na ang klase ngayong Lunes sa ilang lugar bunsod ng transport strike.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.