Trak ng beer, tumagilid sa Agusan del Sur; 2 sugatan

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 06:53 PM

Sugatan ang 2 katao matapos tumagilid ang isang delivery trak sa Sibagat, Agusan del Sur nitong Hulyo 15, 2017. Richmond Hinayon, ABS-CBN News

SIBAGAT, Agusan Del Sur- Dalawa ang sugatan matapos tumagilid ang isang trak ng beer sa may Purok 7, Barangay Mahayahay dito Sabado ng hapon.

Naipit sa loob ng trak ang driver nito na si Aguinaldo Siba samantalang sugatan naman ang pahinante nitong si Mark Anthony Roleda.

Tumilapon pa sa daan ang mga kargang kaha ng beer ng trak, na papunta sana sa Davao City mula Butuan.

Ayon kay Roleda, nawalan ng kontrol sa manibela si Siba habang paliko ito hanggang sa tuluyang tumagilid ang trak.

Dumating naman kaagad ang search and rescue unit ng Sibagat para maialis ang naipit na driver. Agad namang dinala sa ospital ang dalawang sugatan sa aksidente.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.