Lulong umano sa droga, dating kapitan, nanaksak, nanunog, nagtangkang magpakamatay

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 06:55 PM

Sugatan si Jesus Bordo matapos nitong saksakin ang sarili at sunugin ang sariling bahay sa Oras, Eastern Samar. ABS-CBN News

ORAS, Eastern Samar- Isang lalaking lulong umano sa droga ang nanaksak, nanunog at nagtangkang magpakamatay sa kaniyang bahay sa Barangay Riverside sa bayang ito.

Sinaksak ni Jesus Bordo ang kaniyang bisita na si Henry Nuguit habang nag-iinuman noong Martes sa kanilang bahay. Lumalabas sa imbestigasyon na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa na nauwi sa biglang pananaksak ng suspek sa biktima.

Tatlong beses sinaksak ni Bordo si Nuguit sa likuran. Agad namang nadala ang biktima sa ospital.

Ayon kay SFO1 Vitus Moscare, nagtangka pa umanong magpakamatay ang suspek.

Sinaksak ni Bordo ang kaniyang sarili at pagkatapos ay pinutol ang mga hose ng tangke ng gasul sa bahay at sinilaban.

Nagtamo ng second degree burns ang suspek na tinulungang mailabas ng mga bumbero. Gawa sa light materials ang bahay ng suspek kaya mabilis na kumalat ang apoy. Nadamay pati ang 13 katabing bahay.

Napag-alaman mula sa kaanak at kapitbahay ni Bordo na matagal na umanong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang suspek na dating kapitan at naging three-term councilor sa kalapit na bayan ng Arteche sa Eastern Samar.

Aminado naman ang suspek sa kaniyang mga nagawa.

"Nasugatan ako kaya ganyan, nabigla lang ako talaga. Sa mga nasunugan naman doon…mag uusap-usap kami, pwede naman ma-ano sila mabigyan ng kaunting ano tulong, ganon lang. Ma-transaksyon lang, hindi ko naman hangad ng ano, hindi ko naman hangad na magkaganyan talaga," ani Bordo.

Maliban kay Bordo at Nuguit, nagtamo din ng minor burns sa kamay at paa ang isa sa mga rumespondeng bumbero na tumulong para maapula ang sunog.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, aabot sa P1.3 milyon ang halaga ng naging danyos ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.