Lalaki patay matapos malunod sa ilog sa Cebu

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 01:01 AM

Isa ang patay at isa ang nawawala matapos malunod sa Tangon River sa Cebu, Sabado ng hapon.

DANAO CITY - Isa ang patay at isa ang patuloy na hinahanap matapos malunod sa isang ilog sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktima si Lloyd Barrio, 17, na nalunod sa Tangon River, Sabado ng hapon. Samantala, patuloy na hinahanap si Pepe Derecho, 8.

Ayon sa kapatid na si Joselito Derecho, anim silang naliligo sa ilog, alas-11 ng umaga. 

Nang sila'y pauwi na, nakita nila na tumaas na ang tubig sa ilog. Dahil sa gutom, nagmatigas na tumawid si Barrio sa ilog kahit lumalakas na ang agos nito. 

Dagdag ni Joselito na hinila umano ni Barrio si Pepe kaya nalunod rin ito sa rumaragasang tubig.

Pasado alas-4 ng hapon ay na-recover ng rescue unit ng lungsod ang bangkay ni Barrio na nahagip ng isang punong kahoy na nagdulot ng sugat sa kanyang ulo. 

Payo ng Danao City emegency rescue unit, iwasan ang pagligo sa ilog lalo na kung malakas ang ulan.

Lubog naman sa baha ang mga bahay sa Barangay Cotcot sa bayan ng Liloan dahil sa pag-apaw ng ilog doon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.