Lalaki, arestado sa umano'y pagbebenta ng mga exotic na hayop

Junrey Nadela, ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2017 03:17 PM

CEBU CITY - Isang Burmese python at isang monitor lizard ang nakumpiska sa bahay ng isang lalaki sa Barangay Tejero dito, Biyernes.

Sa ilalim ng search warrant laban kay Jhesul Niño Paras na pinaghihinalaang nagtitinda ng mga exotic na hayop, mayroon umanong kinukubling isang dosenang hayop sa tinutuluyan ng suspek.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, lumabag sa Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 si Paras dahil sa ilegal na paghahawla at pagtitinda niya sa dalawang nasabing mga hayop.

Ayon sa mga awtoridad, nagiging kilala na ang Cebu sa ibang bansa na pinagkukunan ng mga exotic na hayop na naibebenta sa halagang hindi bababa sa $1,000 o P50,000.

Giit ni Paras, matagal na niyang itinigil ang iligal na negosyo at nagsisilbi na lamang bilang mga personal na alaga ang nakumpiskang mga reptilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.