Preparasyon para sa 'Lingap Laban sa Kahirapan' ng INC umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 01:54 PM

Magdaraos ng "Lingap Laban sa Kahirapan" ang Iglesia ni Cristo sa Linggo, Hulyo 15, 2018. ABS-CBN News


MAYNILA- Sinimulan na nitong Sabado ang preparasyon ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa isasagawang "Lingap Laban sa Kahirapan" sa Quirino Grandstand.

Itinayo na ang mga tolda at nakapuwesto na rin ang mga upuan at portalet para sa mga dadalo.

Sinimulan na rin ang pagtatayo ng entablado at iba pang kakailanganin sa programa.

Pagpatak ng alas-6 ng hapon, isasara na sa mga sasakyan ang Independence Road sa harap ng Quirino Grandstand. 

Samantala, isasara naman ang mga sumusunod na kalsada pagpatak ng hatinggabi:

· Road-10 mula Moriones Street hanggang Delpan Bridge
· Bonifacio Drive mula Delpan Bridge hanggang Katigbak Drive
· Roxas Blvd. mula Katigbak Drive hanggang P. Ocampo Street
· East at westbound lane ng P. Burgos Avenue mula Lagusnilad hanggang Roxas Blvd.
· Finance Road mula Taft Avenue hanggang P. Burgos Avenue
· Westbound lane ng T.M. Kalaw mula M.H del Pilar Street hanggang Roxas Boulevard
· Westbound lane ng Quirino Avenue mula M.H del Pilar Street hanggang Roxas Boulevard

Sisimulan naman alas-6 ng umaga Linggo ang medical at dental mission kasabay ng mga pagtatanghal.

May Bible study rin pagdating ng Linggo ng hapon at pamamahagi ng mga ayuda sa mga benepisyaryo sa gabi.

Ang mga nasabing proyekto ay bahagi ng ika-104 na anibersaryo ng INC.

Noong 2012, nagkaroon din sila ng Grand Evangelical Mission sa Quirino Grandstand na dinaluhan ng tinatayang higit sa 600,000 katao.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.