Naantalang claims sa 2 pre-need firms inireklamo sa Insurance Commission

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 07:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaksyunan ng "Tapat Na Po" ang reklamo ukol sa dalawang klase ng plan mula sa magkahiwalay na pre-need company na nag-mature pero pahirapan ang pag-claim ng benipisyo.

Kuwento ni June Galeon, 2015 pa nag-mature ang educational plan niya para sa anak sa kompanyang Eternal Plans kaya nag-file sila ng claim noong Marso 2017.

Pero kahit naka-ilang ulit na follow-up na siya mula Cagayan De Oro, walang nangyari sa claim bagama't kumpleto naman daw ang dokumentong isinumite niya.

"Binigay nila ang date na April 20, 2018... Tapos 2 weeks before April 20, nag-follow up ako at hindi pa rin daw na process at sa May na lang daw po dahil may problema daw sila sa funding," hinaing ni Galeon. 

Si Amada Balazuela naman ng Porac, Pampanga, inirereklamo ang delay ng release ng tseke mula Loyola Plans.

Agosto 2017 pa ito nag-mature pero sa kabila ng followup ay wala pang nakukuha ang 75-anyos na plan holder.

"Maawa naman sila sa amin. Baka kamatayan ko na 'yan hindi ko pa makolekta," aniya.

Idinulog ng Tapat Na Po sa Insurance Commission ang problema ng dalawang plan holders at matapos ang pagsita ay ibinigay naman agad nila ang nararapat na benepisyo.

"The check has been released to the branch for pick up of our plan holder [Galeon]. The matter has been coordinated with the Insurance Commission. We have given all the benefits due to our plan holders and we will continue doing it," paliwanag ng Eternal Plans.

Ang tanong ng Insurance Commission, bakit pahirapan ang pag-claim kung maayos namang naghulog dati ang plan holder?

"Siguraduhin sana nila na mababayaran 'yung plan holder sa petsa na pinagkasunduan nila na ayon sa kontrata," ani Joan Castro, spokesperson ng Insurance Commission. 

Natuwa naman si Balazuela na sa wakas, nai-turn over na rin ang mga tseke sa kaniya.

"Maraming salamat po... Bago man lang ako mamatay, at least natanggap ko ang pension plan ko," ayon sa ginang.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.