Lalaking gustong makipag-usap kay Sara Duterte hinuli sa Davao City

Che Che Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 03:21 PM | Updated as of Jul 14 2018 05:45 PM

DAVAO CITY - Hinuli ng mga pulis ang isang lalaki na nagpupumilit umanong makita si Davao City Mayor Sara Duterte sa Davao City Hall, Biyernes.

Kinilala ang lalaki bilang ang 34-anyos na si Leonardo Bonani na nagbanta umanong papatayin ang mga tao sa munisipyo kung hindi nila ihaharap sa kaniya ang alkalde na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Agad inaresto si Bonani ngunit tumalon ito mula sa police mobile kaya't nagtamo ng pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan.

"Gusto ko lang sanang humingi ng tulong kay Mayor kasi magpapagamot ako, laging sumasakit ang tiyan ko," paliwanag ni Bonani.

Agad kinasuhan ng San Pedro Police Station si Bonani ng kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.