Lalaki patay matapos makuryente sa sirang radyo

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 06:06 PM

Nakuryente umano ang isang lalaki dahil sa sirang radyo sa Barangay Himaao sa bayan ng Pili, Camarines Sur. Pili Municipal Police Station


PILI, Camarines Sur – Wala nang buhay nang matagpuan isang 38-taong gulang na lalaki, Biyernes ng tanghali sa Barangay Himaao sa bayang ito.

Mag-isang nakatira sa kubo ang biktimang si Alvin Mabesa.

Natagpuan siya ng kaniyang inang si Norma na nakaupo sa higaan at may hawak na radyo.

May paso rin siya sa kanang kamay.

Ayon sa pulisya, nakuryente ang biktima kaya ito namatay.

Aminado naman ang ina niya na may sira ang gamit nilang radyo.

Una na raw siyang na-ground nito at ang isa pa niyang anak.

Pinagsabihan niya na rin ang biktima tungkol dito pero posible raw na nakalimot.

Dagdag pa ng kaniyang ina, libangan ng biktima ang makinig ng radyo.

Limang anak ang naiwan ng biktima habang ang asawa naman niya ay nagtatrabaho sa ibang bansa.

Paalala naman ng pulisya na huwag isawalang bahala ang mga bagay na posibleng magdulot ng aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.