Biktima umano ni Joel Mendez, dismayado sa pagpipiyansa ng doktor

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 07:36 PM

MAYNILA—Dismayado ang umano'y naging biktima ng kilalang doktor na si Joel Mendez matapos makapag-piyansa para sa kinakaharap na kasong panggagahasa.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang "Anna," hindi umano niya alam kung paano nakapagpiyansa si Mendez dahil hindi maaaring magpiyansa para sa kasong panggagahasa.

"Sobrang hopeful po namin talaga ngayon kaso 'yun nga kahit naaresto siya nu'ng gabi, parang kinabukasan yata napalaya ulit siya, parang nakapag-bail," aniya sa isang panayam sa ABS-CBN News.

"Hindi namin alam bakit ganu'n, bakit siya nakapag-bail. Two counts of rape tapos attempted rape, tapos minor pa po ako nu'ng nangyari 'yun, so hindi po namin alam kung paano nangyari na bakit ganu'n 'yung . . . bakit siya nakapag-bail?" dagdag niya.

Isang kilalang doktor ng mga artista, naaresto si Mendez noong Huwebes ng gabi at pansamantalang ikinulong sa Mandaluyong Police Station. 

Agad ding nakalaya pansamantala si Mendez kinabukasan matapos magbayad ng P360,000 na piyansa.

Hindi umano natatakot si Anna at handang harapin si Mendez sa korte.

"Actually ako, hindi ako natatakot kasi after nu'ng nangyari sa akin sobrang nagpakatatag talaga ako. Sobrang strong ko as a person so sobrang na-overcome ko siya with my family, friends ko na nandiyan para sa akin," aniya.

"So ngayon, lahat sila supportive ngayon so kaya naman talaga. Haharapin po namin ng sabay-sabay," dagdag niya.

Hindi rin naitago ng biktima ang galit sa doktor at hinimok ang iba pang naging biktima umano ng doktor na lumutang na rin.

"First of all, he doesn't deserve to be called a doctor. Sobrang walang professionalism tapos the fact na ang dami niyang binastos na babae, hindi lang ako," ani Anna.

"Hindi ako natatakot talaga, kahit celebrity doctor pa 'yan o ano, kasi sa huli sa impiyerno pa rin ang bagsak niyan," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.