ALAMIN: Mga pasimuno ng 'Province of China' banners, maaari bang kasuhan?

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 07:57 PM | Updated as of Jul 14 2018 08:25 PM

Nagulantang ang marami matapos maglitawan nitong linggo ang tarpaulins kung saan nakasulat ang mga katagang "Welcome to the Philippines, Province of China" sa ilang footbridge sa Metro Manila.

Pero maaari nga bang patawan ng parusa ang sinomang mapapatunayang pasimuno sa pagsasabit ng naturang tarpaulins?

Sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM, iginiit ni Atty. Claire Castro na hindi maaaring parusahan ang nagsabit.

Paliwanag niya, hindi kasi klaro ang intensiyon kung gusto nga ba nitong "tumaliwag" sa Pilipinas na katumbas ng kasong sedition. 

"Hindi siya masasabi na sedition, kasi hindi naman siya uprisng. Wala namang [motibo na] tanggalin na ang allegiance sa Pilipinas," ani Castro.

Maaari pa raw itong pumasok sa "freedom of expression."

Hindi rin daw umano maaaring kasuhan ng unjust vexation ang mga pasimuno nito. 

"Unjust vexation kasi ay ginawa mo 'yung crime intentionally to harass or to vex a particular person," paliwanag ni Castro. 

Maaari lang daw parusahan ang nagsabit nito kapag napatunayang walang clearance ito sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at sa lokal na pamahalaan. 

"May mga regulasyon na dapat sundin at kailangan ng clearance ng MMDA at [authority from] local government na puwede silang magpaskil ng mga signage, lalo na sa puno, flyover, [at] roads," aniya. 

Ayon sa MMDA, depende anila sa local ordinance ng mga lungsod kung paano nila parurusahan ang hindi awtorisadong pagsasabit ng materyal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.