4 pang pulis na dawit sa pangingikil kay 'Madam' tinutugis; hepe sinibak din

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 08:18 PM | Updated as of Jul 14 2018 10:12 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaghahanap pa rin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang apat pang pulis na sangkot umano sa robbery-extortion sa babaeng si alyas "Madam" sa Muntinlupa City noong Huwebes.

Tinutugis ng mga awtoridad ngayon ang hepe ng Drug Enforcement Unit ng Muntinlupa police na si Senior Inspector Mark Pesigan, pati na rin sina SPO1 Edgardo Zervoulakos, PO3 Charlie Miranda, at PO3 Roderick Salvador.

Pormal naman nang sinibak ng NCRPO ang apat na na-entrap na pulis na sina SPO1 Psylo Joe Jimenez, PO3 Romeo Par, PO2 Farvy Dela Cruz, at PO1 Jon Jon Averion.

Maging ang kanilang hepe sa Muntinlupa police na si Senior Superintendent Dionisio Bartolome ay tinanggal din sa puwesto.

EXTORTION KAY MADAM

Kuwento ni Madam, bukod sa pangingikil ay sinaktan pa umano siya ng mga pulis at hinalughog ang kaniyang bahay.

Na-trauma din daw ang kaniyang 6 taong gulang na anak sa insidente. 

Narekober naman ang nawawala niyang TV at mga ID sa sasakyan ng isang inarestong pulis. 

Ayon sa NCRPO, kidnap for ransom ang ginawa ng mga pulis-Muntinlupa matapos kikilan si Madam kapalit ng paglaya nito mula sa umano'y kaso sa droga.

Dagdag ng opisina, walang spot report, search warrant, at hindi nakipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga pulis bago ikasa ang nasabing anti-drug operation.

Kasong robbery-extortion ang kinakaharap ngayon ng apat na pulis samantalang kinasuhan din ang hepe nila dahil sa "command responsibility."

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.