Aabot sa P2 milyong 'unliquidated' cash advance ng PCOO, pinuna ng COA

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 09:41 PM | Updated as of Jul 15 2017 03:50 AM

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang ilang opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) matapos hindi ma-liquidate o maipasa ang mga detalye kung paano ginastos ang halos P2 milyong halaga ng cash advance.

Ayon sa inilabas na report ng COA, aabot sa P1,925,956.45 ang hindi na-liquidate na cash advance ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella. Ginamit ito sa foreign trips ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Brunei, Laos, at Indonesia.

Sa kabuuan, nasa 14 na opisyal at empleyado ng PCOO ang hindi pa nagli-liquidate ng cash advance.

Sabi ng COA, kung biyahe sa ibang bansa, dapat ma-liquidate na ang cash advance sa loob ng 60 araw, o dalawang buwan pagkabalik ng bansa. Kung biyahe naman sa loob ng bansa, dapat maipasa na ang detalye kung paano nagastos ang cash advance sa loob ng 30 araw, o isang buwan pagkabalik sa bansa.

Hiniling naman ng PCOO na ikonsidera sana ng COA na sunod-sunod ang mga naging biyahe nila sa ibang bansa kaya hindi agad naasikaso ang pag-liquidate ng cash advance.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.