Lalaking nangholdap ng call center agent, napatay sa engkuwentro

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 05:20 AM

MAYNILA - Patay ang isang hinihinalang holdaper matapos maka-engkuwentro ang mga pulis sa Parañaque City Biyernes ng hatinggabi.

Wala pang pagkakakilanlan ang suspek na nakuhanan ng isang kalibre .38 na barill.

Kuwento ng biktimang si alyas Joselle, naghihintay siya ng jeep at papasok sana sa opisina nang biglang lapitan ng isang lalaking nakamotorsiklo. 

"Sabi niya, akin na bag mo. Sabi ko, bibigay ko na lang pera," aniya.

Pero hinablot pa rin ang bag ng biktima na nakipag-agawan pa sa mga suspek.

Agad humingi ng tulong si Joselle sa mga pulis na nakipaghabulan sa mga kawatan hanggang sa Sunrise Drive, Barangay San Antonio.

Bumaba sa motorsiklo ang angkas at nakipagpalitan ng putok sa mga pulis.

Patay ang suspek habang nakatakas naman ang kaniyang kasamahan.

Positibong kinilala ni Joselle ang napatay na suspek na siyang nangholdap sa kaniya.

Naibalik sa biktima ang kaniyang bag na may lamang pera, cellphone, at iba pang gamit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.