Mga kahon ng beer, tumilapon sa Quezon City

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 05:18 AM | Updated as of Jul 14 2017 07:32 AM

Tumilapon ang mga kahon ng beer matapos bumukas ang wing van ng isang delivery truck sa southbound lane ng cloverleaf sa Balintawak, Quezon City.

Hindi magkandamayaw ang mga residente na kumuha ng mga bote ng beer sa lugar ng insidente.

Kuwento ng drayber na kinilalang si Nico Cerezo, pagliko ay tumilapon na ang laman ng trak.

Galing ang trak sa Polo, Valenzuela na magdedeliver sana sa Canlubang, Laguna bago mangyari ang insidente.

Matapos linisin ang mga nagkalat sa bubog sa kalsada ay nadadaanan na ang isang linya ng kalsada na pinangyarihan ng insidente.

Nagtulungan naman ang mga tauhan ng North Luzon Expressway (NLEX) at mga residente upang maigilid na ang mga kaha ng beer na nagkalat sa kalsada.

Maari umano na hindi maayos ang pagkakasalansan ng mga kahon ng beer sa loob ng wing van, dahilan upang tumilapon ang mga laman nito.

Nagkakahalaga ng P1.3 milyon ang kabuuan ng kargada.

Sa ngayon ay hindi pa makapagbigay ang NLEX ng eksaktong oras kung kailan mabubuksan ang buong kalsada upang madaanan ng mga motorista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.