DSWD, magbibigay ng shelter assistance sa mga biktima ng Leyte quake

Melanie Bingco, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2017 07:14 PM

Naghahanda nang magbigay ng emergency shelter assistance ang Department of Social Welfare and Development sa mga nabiktima ng magnitude 6.5 Leyte quake noong Hulyo 6.

Ayon kay Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, binibilang na ng ahensya kung ilang pamilya ang nasiraan ng bahay dahil sa lindol sa Leyte.

Matatandaang nagbigay ang ahensya ng P10,000 hanggang P30,000 sa mga nasiraan ng bahay noong Bagyong Yolanda.

"Depende ngayon sa budget. Hindi tayo nagsa-standard depende sa ano ang capacity na mabibigay natin," ani Taguiwalo.

Sisikapin naman ng ahensya na hindi matagalan ang pamimigay ng shelter assistance.

Nagrequest daw kasi ang mga lokal na opisyal na hindi sana matulad noong tulong para sa Yolanda na inabot ng ilang taon bago maipamigay sa mga biktima.

Sa ngayon ay namigay na ng food packs, hygiene kits at trapal ang ahensya sa mga residente.

Ang mga tent ay sobrang donasyon ng gobyerno ng Australia para sa mga biktima ng Yolanda.

Nagbigay na rin ng financial assistance ang ahensya sa mga nasugatan at sa mga pamilyang namatayan sa lindol.

Makikipag-ugnayan rin ang ahensya sa lokal na pamahalaan ng Ormoc at Kananga para sa cash for work programs na ilulunsad para matulungang makabangon ang mga biktima ng lindol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.