Terrence Romeo sa rambulan sa QC: Let video speak for itself

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 09:44 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinabulaanan ng basketball player na si Terrence Romeo na siya ay nakulong dahil sa gulo sa isang bar sa Quezon City madaling araw ng Huwebes. 

Sa isang tweet, itinanggi ni Romeo na may ginawa siyang masama sa insidente, at ito raw ay kayang patunayan ng CCTV. 

"Watch the CCTV. I believe it's somewhere in social media right now. I didn't do anything. Let the video speak for itself," aniya sa isang tweet. 

Ayon sa CCTV footage na nakuha sa loob ng Guilly's Island bar sa Tomas Morato, nag-iinuman ang grupo ni Romeo kasama ang iilang fans nang biglang dumating ang isang lalaking naka-sumbrero at inakbayan nito ang PBA player. 

Hinarangan naman ng kasamahan ni Romeo ang lalaki at dito na umano nagsimula ang rambulan. 

Sa isa namang cellphone video, nakitang inaawat ng bouncer si Romeo habang sinusugod siya ng isang babae (alyas "Jean") na umano'y kasama sa nanghingi lang ng photo kasama ang basketball player. 

Ngunit ayon sa kumuha ng video na si Clarissa Cabrera, sinuntok ni Romeo umano ang kaniyang pinsan na kasama rin sa humingi ng photo kasama ang kanilang idolo. 

"Sinaktan po niya pinsan ko eh idol pa man din namin siya," aniya. 

Nangyari ang insidente mahigit isang linggo matapos masangkot ni Romeo sa sapakan sa laban ng Gilas Pilipinas kontra Australia sa Philippine Arena noong Hulyo 2.

Nagkaayos na ang magkabilang partido matapos ang insidente. 

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.