'Philippines, Province of China' banners, 'protesta sa gobyerno'

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 09:36 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naniniwala ang isang maritime expert na isang porma ng protesta sa administrasyong Duterte ang mga tarpaulin na nagsasabing lalawigan ng Tsina ang Pilipinas, at natagpuan nitong Huwebes na nakakabit sa iba't ibang panig ng Metro Manila.

Ayon kay Jay Batongbacal, direktor ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, nangangahulugan ng kawalan ng suporta at respeto sa administrasyon ang mga tarpaulin.

"When the people begin to be like that, jovial and joke about the administration, it signals the loss of support and respect," sabi sa isang forum ni Batongbacal nitong Huwebes. 

Natagpuan sa ilang overpass sa Quezon City, sa southbound lane ng C-5 Road, at malapit sa Ninoy Aquino International Airpot sa Pasay City ang mga pulang tarpaulin na may nakasulat na "Welcome to the Philippines, Province of China."

Hindi pa alam kung sino ang nagkabit ng mga tarpaulin pero itinaon ito sa ikalawang anibersaryo ng pagkapanalo ng Pilipinas sa kaso kontra Tsina sa usaping maritime rights sa West Philippine Sea.

Para naman sa Makabayan bloc, sinasalamin ng mga tarpaulin ang mga kasalukuyang pangyayari. 

"Kung sino man ang naglabas ng mga tarpaulin na 'yan, malinaw naman kay Pangulong Duterte mismo nanggaling 'yong mga salitang iyon saka 'yong mga idea na iyon, na ang Pilipinas magiging probinsiya na raw ng Tsina," ani ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio.

Hindi naman ikinatuwa ng Malacañang ang mga tarpaulin at iginiit na walang isinusukong teritoryo ang pamahalaan sa Tsina.

"It's absurd and I'm sure it's the enemies of our government behind it. So to them, 'Try again, you need a better gimmick than that,'" sabi ni Roque.

DUTERTE, DAPAT IGIIT ANG KARAPATAN SA WEST PH SEA

Ayon sa Pulse Asia survey na kinomisyon ng Stratbase Albert Del Rosario Institute, 73 porsiyento o "significant majority" pa rin ang naniniwalang dapat igiit ng administrasyon ang karapatan ng Pilipinas at pangalagaan ang soberaniya nito sa West Philippine Sea, gaya ng sinasabi sa naipanalong desisyon sa arbitral court noong 2016.

Nasa 36 porsiyento naman ang nagsabing dapat maghain ang bansa ng diplomatic protest sa Chinese embassy laban sa militarization sa mga isla sa West Philippine Sea.

Iginiit din nina Vice President Leni Robredo at dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na dapat iprotesta ng Pilipinas ang patuloy na militarization sa West Philippine Sea.

"It also sets the stage for peacefully reclaiming a massive resource, much bigger than our archipelago's total land area," ani Robredo.

"We must believe that there is still time for our country to do what is right for our people," sabi naman ni Del Rosario.

Ipinanukala naman ni Acting Chief Justice Antonio Carpio sa pamahalaan na pagpatrolyahin ang militar sa mga katubigan para mapangalagaan ang exclusive economic zone ng bansa.

--Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.