P425,000 halaga ng droga, nasabat sa QC; 3 arestado

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 12:27 AM

Nakuha ng mga awtoridad ang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu, kalibre .45 na baril, at drug paraphernalia mula sa 3 suspek sa Quezon City, Miyerkoles. ABS-CBN News

Nasabat ang nasa P425,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa tatlong suspek sa isang buy-bust operation sa Quezon City nitong Miyerkoles.

Natimbog sa operasyon sina alyas Joey, alyas Joven, at alyas Merenisa.

Ayon sa paunang ulat ng QC Police District, ikinasa ang operasyon na target si alyas Joel sa isang parking lot ng hotel sa kanto ng Quezon Avenue at Roces Avenue.

Bumili ang isang police poser-buyer ng P500 halaga ng shabu mula sa target. Matapos ang transaksyon ay hinuli na si alyas Joel pati ang mga kasama nito. 

Nang kapkapan ay nakuha mula sa kanila ang limang sachet ng hinihinalang shabu. 

Pinasok din ng mga operatiba ang hotel room na tinutuluyan ni alyas Joel at doon nakuha ang tatlong bulto ng hinihinalang shabu, mga drug paraphernalia, at isang kalibre .45 na baril.

Sa kabuuan, nakakuha ng nasa 50 gramo na shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P425,000 ang mga awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.