Lineman, sugatan matapos makuryente sa poste

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 04:23 PM | Updated as of Jul 12 2018 05:36 PM

Tinangka ng kasama ni Christopher Esguerra na apulahin ang nagningas na apoy sa kaniyang katawan. Nakuryente si Esguerra matapos na aksidenteng mahawakan ang wire na may mataas na boltahe habang nagkukumpuni sa taas ng poste. Larawan mula kay Dona Ornales.

LEMERY, Batangas – Nakuryente ang isang lineman habang nagkukumpuni ng poste ng kuryente sa Ilustre Avenue, Barangay District 4 sa bayang ito, Huwebes ng umaga.

Sa kuha ni Dona Ornales, makikita ang dalawang lineman sa taas ng poste ng kuryente. Mapapansin din ang isa sa kanila na tila nagpupumiglas sa pinakatuktok ng poste na nakuryente na pala. 
 
Pinipilit naman siyang tulungan ng kasamahan pero hindi ito makalapit.

Nakunan din ng video ang pag-usok at pagningas ng apoy sa katawan ng biktima.

Agad din namang nasagip ang biktimang kinilalang si Christopher Esguerra.

Ayon sa report ng pulisya, nagtamo ng third degree burn sa katawan si Esguerra na ginagamot pa rin sa ospital.

Lumalabas naman sa imbestigasyon na nag-aayos lamang ng linya ang biktima nang aksidente nitong mahakawan ang isang wire na may mataas na boltahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.