South Korea magbibigay ng higit P300-M sa PNP

Posted at Jul 12 2017 04:43 PM

MANILA - Magbibigay ng mahigit P300 milyon o $6 milyon na ayuda ang South Korea para mapalakas ang kapasidad ng Philippine National Police (PNP) sa pagiimbestiga sa ilalim ng kasunduang nilagdaan nila Miyerkoles. 

Batay sa memorandum of agreement (MOA), gagamitin ang ayuda para sa pagbili ng mga equipment at sasakyan na ipapamahagi sa PNP Criminal Investigation and Detection Group at Anti-Kidnapping Group, pati na sa mga pulis sa Metro Manila, Cordillera, Central Luzon at Central Visayas. 

Ang mga nasabing lugar ay may malalaking komunidad ng South Koreans. May higit-kumulang 100,000 na South Koreans ang naninirahan sa Pilipinas.

Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan sina PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa, Interior Secretary Catalino Cuy, South Korean Ambassador to the Philippines Kim Jae-shin at mga opisyal ng Korea International Cooperation Agency (KOICA). 

"Maganda ang MOA na iyun dahil we will be receiving a lot of patrol cars, motorcycles and investigative equipment," ani Dela Rosa. 

Bukod sa tulong pinansyal, magpapadala rin ang South Korea ng mga eksperto sa Pilipinas para mapahusay ang training ng mga pulis sa internal, forensic at cybercrime investigation. 

Dadaan din ang mga pulis sa workshop para maiiwas ang mga bata at kababaihan sa krimen sa tulong ng mga non-government organization. 

Matatandaang bahagyang nagkalamat ang relasyon ng Maynila at Seoul matapos mapaslang ang South Korean businessman na si Jee Ick-Joo nung Oktubre sa kamay umano ng ilang pulis sa loob ng PNP headquarters sa Camp Crame. 

Naghain ng not guilty plea ang mga idinadawit sa pagpatay, kabilang na sina Supt. Rafael Dumlao II, SPO3 Ricky Sta. Isabel and SPO4 Roy Villegas.