Sapul sa CCTV: 2 holdaper, nag-abang sa mag-asawa, tinangay ang P100,000

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 06:30 PM | Updated as of Jul 12 2017 09:48 PM

Nakunan ng CCTV ang panghoholdap ng dalawang lalaki sa mag-asawa sa Bula, Camarines Sur.

Kita sa kuha ng CCTV bago mag-alas-7 ng gabi nitong Lunes ang lalaking nakasuot ng jacket, short pants, at sombrero sa Barangay Salvacion, Bula, Camarines Sur.

Dumiretso ang lalaki sa gilid ng bahay at dumating din ang isa pang lalaki makalipas ang ilang sandali.

Maya-maya, may dumating na tricycle at tumakbo palapit sa trike ang dalawang lalaki, saka tinutukan ng baril ang mag-asawang sakay nito.

Nakipag-agawan pa ng bag ang mga sakay ng tricycle pero natangay pa rin ng mga lalaki ang bag at nakatakas.

Walang namang nagawa ang driver ng tricycle at kaniyang asawa. Ayon pa sa biktima, akala niya noong una ay niloloko lang sila ng mga lalaki.

Tatlong bag ang nakuha sa mga biktima na naglalaman ng P100,000, apat na cellphone, mga lisensiya, IDs at bank cards.

Ayon sa pulisya, posibleng matagal nang minamatyagan ang mga biktima.

Samantala, pinaghahanap na ngayon ang mga suspek.

Paalala ng pulisya sa publiko, iwasang magbitbit ng malalaking halaga ng pera o mamahaling gamit, maging alerto at agad mag-report sa mga awtoridad kung may napapansing kahina-hinalang tao.

-- Ulat ni Rona Nuñez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.