Matrikula sa UP Diliman, di kokolektahin sa susunod na semestre: Tan

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 01:51 PM

Hindi mangongolekta ng tuition ang University of the Philippines- Diliman (UPD) sa unang semestre ng academic year 2017-2018, ayon kay UPD Chancellor Michael Tan nitong Martes, Hulyo 11.

Sinabi ni Tan sa Philippine Collegian, ang opisyal na pahayagan ng unibersidad, na hangga't hindi nakaklaro ng gobyerno ang kanilang plano sa subsidiya ng matrikula, hindi sila mangongolekta ng tuition fee sa kanilang mga estudyante.

"They are not clear yet as to how much the subsidy there will be, [whether it be] partial or complete, and who will be eligible. Until they clarify, we will not collect any amount from students," pahayag ni Tan.

Kasunod nito, nanawagan si Senador Nancy Binay sa Commission on Higher Education (CHED) na klaruhin ang kanilang panuntunan tungkol sa polisiya sa libreng tuition fee sa state colleges at universities (SUCs).

Ani Binay, hindi malinaw kung full o partial subsidy ang ipagkakaloob sa mga estudyante sa kabila ng ipinalabas na joint memorandum circular ng CHED at Department of Budget and Management (DBM) noong Abril.

"Sa taas po ng tuition sa UPD ngayon, hindi po klaro kung masasagot ba nang buo ng free tuition policy ang P1,500 per unit cost, considering na nasa around 16,000 ang undergraduates nito," aniya.

Dagdag ni Binay, "So hindi po fair ito, lalo na kung sasagutin ng buo ang cost of tuition sa ibang SUCs."

Itinutulak ni Binay ang patuloy na pagpopondo sa libreng matrikula sa mga SUC sa buong bansa.

"Isa po sa mga sinusulong natin na maging isang ganap na realidad ang libreng edukasyon sa kolehiyo. Patuloy po ang pakikipagtulungan natin sa ating mga kasama sa Kongreso pati na sa Executive branch upang taun-taon pong mabigyan ng pondo ang libreng college education," aniya.

Noong Hunyo, nagprotesta ang mga estudyante at ilang youth group sa harap ng Commission on Higher Education (CHED) sa Quezon City para kontrahin ang 'may depektong' libreng matrikula sa state colleges at universities.

Sa isang pahayag, sinabi ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago na inendorso ng UP President's Advisory Council kay UP President Danilo Concepcion ang implementasyon ng "No Tuition Collection Policy" sa UP sa buong bansa.

“This is great economic relief to students bearing the cross of UP's Socialized Tuition System (STS) for several years, and should render the online scholarship process futile,” ayon sa pahayag.

“We enjoin everyone to remain steadfast, to push for the implementation of free tuition in all campuses and SUCs, and to advance the struggle to junk STS and other policies that legitimize profiteering in education.”

Pinuri naman ni UP Professor Danilo Arao ang anunsiyo ni Tan at ang mga grupo ng estudyante na lumalaban para sa libreng edukasyon. 

"It remains to be seen if the 'no tuition collection policy' at UPD will result in the junking of the Socialized Tuition System," ani Arao.

"There is reason to welcome this development, but the struggle remains in terms of not just junking STSystem but also that free tuition shall be sustained at UPD."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.