Susog sa batas para sa drug test ng mga estudyante, guro, hinirit

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 10:38 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Iminungkahi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang pagsusog sa batas para maipatupad ang mandatory drug testing sa high school at college students, at mga guro. 

Sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, maaari lang isailalim sa random drug testing ang mga estudyante sa high school at kolehiyo.

"It (R.A. 9165) will be amended now from random to mandatory. So ima-mandatory namin lahat ng high school at saka college students. Isama na natin 'yong mga teachers," sabi ni Aquino.

Sa tala ng PDEA at Philippine National Police (PNP) mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2018, aabot sa 1,161 katao na may edad anim hanggang 17 taong gulang ang nasangkot sa ilegal na droga.

Suportado naman ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ng House committee on dangerous drugs ang pag-emyenda sa batas.

"To instill fear doon sa mga possible users, drug users, dapat mayroon talaga mandatory drug testing sa lahat ng levels. We will also ask the members of the Senate to pass a law," ani Barbers.

Pero iginiit ni Education Secretary Leonor Briones na dapat gumawa muna ng pag-aaral kung alin sa random o mandatory ang mas epektibong testing, pati ang nararapat na edad ng bata.

"Mayroon mga lugar na mas frequent kaysa ibang lugar kaya nga sabi namin, doon na i-concentrate," ani Briones.

Una nang iminungkahi ng PDEA ang pagsasagawa ng mandatory drug testing sa lahat ng Grade 4 students pataas, na tinutulan naman ng Department of Education.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.