'Shabu’ isinilid sa bangus sa Iloilo; tindera timbog

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 02:48 PM

Kasama sa ebidensiya laban sa babaeng suspek ang itinitinda nitong isdang bangus kung saan nakasilid umano ang drogang binili ng nagpanggap na buyer sa buy-bust operation sa bayan ng Pavia, Iloilo.

PAVIA, Iloilo – Arestado ang isa umanong high-value target ng awtoridad na dating punong barangay ng Desamparados sa Jaro matapos makabili sa kaniyang meat at fish stall ng drogang isinilid sa loob ng tindang bangus, Martes ng hapon.

Nakatanggap umano ng ulat ang awtoridad na ginagamit ng babaeng suspek ang kaniyang puwesto sa Ungka II sa bayang ito bilang pronta sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Nahuli siya sa isinagawang buy-bust operation kung saan nakabili ng halagang P3,500 ng hinihinalang shabu na isinilid sa bangus ang isang nagpanggap na buyer.

Nakumpiska rin sa buy-bust ang dalawang malalaki at 3 katamtamang laki na sachet ng hinihinalang shabu. Tinatayang nasa P120,000 ang halaga ng mga nakumpiskang droga.

Inaresto rin ng operatiba ang helper ng suspek sa kaniyang puwesto na nagsisilbi umanong runner.

Itinanggi ng babaeng suspek ang paratang na may kinalaman siya sa ilegal na kalakaran ng droga. Aniya, nagbebenta siya ng karne at isda ng mahusay para masuportahan ang kaniyang apat na anak.

Pero ayon sa pulisya, kasama umano ang suspek sa "narco-list" ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.