P120,000 halaga ng marijuana, nasabat sa 2 'tulak' sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 10:01 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Timbog ang dalawang umano ay 'tulak' ng marijuana sa isang buy-bust operation nitong Linggo sa Tanza, Cavite.

Mahigit-kumulang anim na kilong marijuana na nagkakahalagang P120,000 ang nasabat ng Tanza police mula sa bag ng mga suspek na sina James Wanson at Timothy Yag-ao.

Ayon sa mga pulis, nagbiyahe mula Kalinga hanggang Cavite ang mga suspek para maghatid ng isang kilong marijuana na binili sa kanila ng isang nagpanggap na buyer. 

Karamihan umano sa mga pinagbebentahan nila ng droga ay taga-Maynila, Bulacan, at Cavite.

"According to them, doon sa province sa Kalinga ito raw ang source of living. Kung saan ang isang kilo ng marijuana, nabibili nila ng P3,000. Binibenta nila sa kanilang mga parokyano ng P20,000, so malaking pagkakakitaan," ayon kay Tanza police Chief Inspector Dhefry Punzalan. 

Dagdag nito na malapit sa eskuwelahan ang bahay ng suspek kaya mas madaling hulihin ang iba pa nilang mga kasamahan. 

Itinanggi ni Wanson na sangkot siya sa pagtutulak ng droga. Ani Yag-ao, napag-utusan lamang sila na pumunta ng Cavite para pumasyal. 

Ngunit kasama si Wanson sa drug watch list ng mga awtoridad. 

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek at isinailalim na sila sa inquest proceedings. 

Pinaghahanap pa rin ng mga pulis ang ibang sangkot sa pagtutulak ng marijuana sa lugar. 

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.