Misis na 'itinali ng mister habang nagtatalik,' napawalang-bisa ang kasal

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 09:37 PM

Wala mang diborsiyo sa bansa, mayroon pa ring ilang mag-asawang napapawalang-bisa ang kasal sa pamamagitan ng annulment.

Sa isang episode ng "Ipaglaban Mo," tinalakay kung paanong pinagbigyan ng korte ang petisyong annulment ng isang misis dahil sa ikinilos ng kaniyang mister kabilang na ang pagtatali sa kaniya habang nagtatalik.

"Ang pinapayagan lang po sa atin ay ang pagdeklara na walang bisa ang isang kasal dahil wala namang kasalang nangyari. Tulad ng kasal ng isang taong wala palang kakayahan sa pag-iisip na gumanap sa mga tungkulin ng isang asawa o ang tinatawag na psychological incapacity," paliwanag ni Atty. Jopet Sison. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Batay sa pagsasadula ng dinanas ni alyas "Cristine" sa mister na si "Gerald," nagkaroon ng pauli-ulit na pagkakataong bigla na lang nagseselos at nagagalit si Gerald sa kaniyang asawa.

Tila hindi gusto ni Gerald kapag may ibang lalaking nakakasalamuha si Cristine at nagiging mitsa ito ng kanilang pag-aaway na nauuwi pa sa sakitan.

Laking gulat din ni Cristine nang siya'y itali sa kama ni Gerald nang sila'y minsang magtalik.

Base sa tagpong ipinalabas ng programa, hindi pinansin ni Gerald ang pagmamakaawa ni Cristine na siya'y pakawalan mula sa pagkakatali.

Nang masagad na ang pisi ni Cristine, nilayasan niya na ang mister at dinala niya rin ang kanilang anak.

"Talagang hindi na makatiis si Cristine kaya nagsampa na siya ng petisyon sa Regional Trial Court upang ideklarang walang balidong kasal na naganap sa pagitan nila ni Gerald, batay sa Article 35 ng Family Code. Tumestigo si Cristine at si Dr. Roman, na isang dalubhasang doktor sa sakit sa isip o psychiatrist, upang patunayan na si Gerald ay walang kakayahan sa pag-iisip upang mamuhay na kasama ang asawa, magmahal, gumalang, at tumulong sa asawa, at magsustento sa mga anak," ani Jopet Sison. 

"Idineklara ng mababang hukuman na walang balidong kasal na naganap sa pagitan ni Cristine at Gerald dahil sa grabe at seryosong kakulangan sa pag-iisip ni Gerald na gumanap ng tungkulin ng isang asawa."

Gayunman, binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng mababang korte dahil sa pasya ng CA ay batay lamang ang testimonya ng doktor sa sabi-sabi ng mga nakapanayam at hindi ang mismong sinabi ni Gerald.

Umabot hanggang sa Korte Suprema ang apela para sa petisyon ni Cristine.

"Sabi ng Korte Suprema, mali ang Court of Appeals. Hindi naman kailangang makapanayam pa si Gerald para alamin na may kakulangan nga siya sa pag-iisip na gampanin ang tungkulin ng isang asawa. Ang pasya ni Dr. Roman ay batay sa mga pagsusuri niya sa mga kilos ni Gerald noong nagsasama pa sila ni Cristine na ikinuwento sa kaniya ni Cristine," ani Atty. Jose Sison.

"Napag-alaman din niya [doktor] na ang tatay pala ni Gerald ay may kakulangan din sa pag-iisip at ito ay minana ni Gerald. Magkapareho ang palatandaan ni Gerald at ng kaniyang ama tungkol sa kakulangan sa pag-iisip o psychological incapacity." 

"Ang mga kilos at asal ni Gerald na pananakot, pagsubaybay, at paglayo kay Cristine sa sariling pamilya at kaibigan, pati na ang paulit-ulit na pambubugbog niya kay Cristine ay patibay ng kaniyang kasamaan at lubos na kawalan ng pag-unawa kung ano ba talaga ang kasal at ang mga kakailanganin nito. Kaya dapat talagang ideklarang walang bisa ang kasal nila sa simula't simula pa."

Paliwanag pa ni Jose Sison, mismong ang batas na ang nagbibigay ng katwiran, o sa pagkakataong ito ay psychological incapacity, upang makalabas sa isang pagsasamang legal na markado na ng mapait na karanasan.

"Naintindihan din po naman ng batas na kahit ano'ng pag-iingat natin, hindi rin maiiwasang magkamali sa pagpili ng asawa at kapiling habangbuhay... May mga sapat at makatarungang dahilan din na pinapayagan ng batas ang isang tao na ituwid at umiwas sa mga malupit na dinaranas niya dahil sa pagkakamali," ani Sison.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.