Dr. Love, inireklamo ang 'nakadidismayang' nabili online

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 07:13 PM | Updated as of Jul 11 2018 11:21 PM

Wala ang ibang features na inasahan ni "Dr. Love" mula sa nabiling dash cam.

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga konsumer na mag-ingat sa pagbili ng produktong ibinebenta online.

Isa sa mga nabiktima at nagreklamo ang kilalang DZMM anchor na si Jun Banaag o "Dr. Love."

Dismayado si Banaag sa nabiling dalawang piraso ng dashboard camera (dash cam) mula sa isang online seller.

Naengganyo siya dahil maganda ang advertisement sa Facebook na mayroon pa raw GPS, internet capability, at bluetooth ang dash cam.

Hulyo 2 nang siya'y mag-order na nai-deliver naman noong Hulyo 4 at binayaran niya ng cash.

Pero laking gulat ni Dr. Love nang makitang wala ang mga features na ibinida ng seller sa nabili niyang dash cam kaya agad siyang nagreklamo.

"I was really expecting, 'maganda 'to,' excited ako. No'ng dumating dito, binuksan ko. No'ng ikabit ko sa kotse, sabi ko 'very basic 'to, ito 'yong nabibili sa Divisoria. Wala lahat ng features na napapanood mo do'n sa Facebook," kuwento ni Banaag.

Sagot sa kaniya ng online seller, "demonstrative" lang at hindi talaga ang aktuwal na produkto ang ipinakita sa ad.

Iba rin daw ang pangalan ng produkto sa kanilang ad dahil ito'y "for marketing purposes" lang o pang-engganyo.

Gusto sana ni Dr. Love na ipa-refund na lang ang ibinayad pero wala umanong refund kapag cash-on-delivery ang paraan ng pagbabayad.

Bawal ang "no refund" sa Pilipinas pero napag-alaman ng DTI na sa Hong Kong o Singapore ang main office ng online seller kaya hindi ito sakop ng ahensiya.

Sa website ng seller, may nakalagay naman silang commitment sa mamimili kung saan tinitiyak nila ang kalidad ng kanilang produkto.

Ginarantiyahan din nila ang refund kapag naisauli sa kanila ang produkto sa takdang panahon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tanggap na ni Banaag na talo siya pero dapat daw may matutuhan ang mga Pilipinong konsumer sa nangyari sa kaniya.

Payo ng DTI sa mga konsumer, suriin munang mabuti ang produkto bago mag-order o bayaran sa pamamagitan ng credit card.

Napakahirap daw kasing hulihin ng mga nanloloko online na gumagamit ng social media para manggoyo.

Busisiin din kung may business permit kahit online o siguruhing may "return policy" at tingnan kung may lehitimong address sa Pilipinas. 

Sa tala ng DTI, umabot sa 807 ang reklamo sa online transaction noong nakaraang taon at nasa 676 ang reklamo mula Enero hanggang Hulyo 2018.

Nasa 170 naman ang reklamong estafa sa National Bureau of Investigation na konektado sa online scam.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Oman BaƱez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.