14-anyos dalagita, hinalay na, ninakawan pa ng baon ng construction worker

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 01:33 PM

Nakaluhod na humihingi ng tawad ang isang construction worker nang makaharap sa Masambong police station ang 14 anyos na dalagitang kaniya umanong ginahasa.

Hindi itinanggi ng suspek na si Randy Depra ang krimen ngunit sinabi niyang dulot lamang ng sobrang kalasingan ang nangyari. 

"Hindi ko po alam kung bakit ko nagawa 'yun, sobrang kalasingan po kasi," ani Depra.

Ayon sa pulisya, Martes ng madaling araw ay pinasok ng suspek ang kuwarto ng biktima.

Nang magising ito, tinutukan ni Depra ng baril sa sentido at cutter sa leeg ang dalagitang si alyas "Rose." 

Dito na sinimulang hawakan ng suspek ang maseselang bahagi ng katawan ni Rose na isang grade 9 student. 

Mabuti’t alerto pa ang biktima kaya't naka-isip siya ng palusot at sinabing pulis ang kaniyang ama. 

Napatigil ang suspek, pero bago pa tuluyang tumakas ay kinuha muna nito ang perang baon sana sa eskuwela ng biktima, at saka nito tinalian ang bibig at kamay ni Rose.

Lubos ang trauma ng biktima kaya't humingi ito agad ng tulong sa mga kapatid at dumiretso sa pulis. 

Sa manhunt operation, napag-alaman nilang may nag-iinuman na mga lalaki sa harap ng bahay ng biktima bago ang insidente. 

Ang isa sa mga construction worker, madalas daw sutsutan ang biktima kaya't naging person of interest ito. 

Sa nakuha nilang CCTV footage, makikita pa ang suspek na nag-aayos ng shorts pagkagaling sa bahay ng biktima. 

Nasundan siya sa pinagtatrabahuhang construction site sa Bgy. Masambong at doon na nakilala dahil sa suot nitong shorts.

Ayon sa mga awtoridad, dati nang may kasong frustrated murder at miyembro ng sputnik gang si Depra.

Mahaharap ngayon ang construction worker sa kasong rape at robbery. 

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.