Sniper vs. sniper: Militar, sumusugod, inaasinta ang mga natitirang lumalabang Maute

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 06:05 PM | Updated as of Jul 11 2017 10:48 PM

Kung dati rati’y sunod-sunod ang air strikes ng militar sa Marawi, ngayon, mas nakatutok na ang puwersa ng gobyerno sa pakikipagpalitan ng putok sa mga terorista.

Nasa pagitan na ng snipers ng militar at ng Maute ang labanan.

Nasa 50 gusaling dating hawak ng Maute ang nabawi na ng militar sa nakalipas na dalawang araw. Pero mayroon pa ring mga gusaling bukod sa mga sniper, may mga machine gun pa rin ang kalaban.

Kaya naman hindi pa rin masabi ng militar kung kailan matatapos ang bakbakan. Hindi pa rin matuloy-tuloy ang retrieval operations sa mga bangkay dahil sa malapitang labanan.

Nitong Martes, Hulyo 11, may nakuha na naman ang militar na limang machine gun mula sa kanilang kalaban. Aabot na sa 461 ang mga armas ng Maute na kanilang nakuha. 

Hindi basta-basta maipapasok ang ganiyan karaming armas sa loob lamang ng ilang buwan. Patunay raw ito na taon ang binilang ng paghahanda ng Maute para sa sagupaan.

Samantala, kabilang ang Lanao Lake sa mga lugar na mahigpit na binabantayan ngayon sa Marawi.

Araw-araw nagpapatrolya ang maritime police sa Lanao Lake para bantayan ang mga posibleng miyembro ng Maute group na magtatangkang tumakas. 

Pero kahit malayo na sa war zone ang lawa, may mga pagkakataon pa ring inaasinta ang mga pulis ng sniper ng kalaban. Mababakas pa sa fast boat ang mga gasgas mula sa sniper ng Maute. 

Apektado na rin ang kabuhayan ng mga mangingisdang hindi na nakakapalaot sa lawa.

Kung dati-rati, kumikita sila ng P300 kada araw sa pangingisda, ngayon, umaasa na lang sila sa ipamamahaging relief goods.

Sa gitna naman ng nagpapatuloy na bakbakan, inilatag na ng Department of Public Works and Highways ang mga plano nito para sa rehabilitasyon ng lungsod.

Pangunahing plano ang pagbibigay ng maayos na matutuluyan sa libo-libong 'bakwit'.

Isa rin sa mga uunahin ang pagtatayo ng pansamantalang government services building at mga lugar kung saan maaaring sumamba.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.