Nang dahil sa lindol: bata, naputulan ng binti; mga klasrum, di magamit

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 06:38 PM | Updated as of Jul 11 2017 10:33 PM

Sari-saring pinsala ang natamo sa mga bahagi ng Leyte dahil sa magnitude 6.5 na lindol noong Huwebes ng nakaraang linggo. 

Kasama na rito ang pagkaputol ng binti ng isang estudyante, kawalan ng kuryente sa mga bahagi ng Leyte, pati na pagkakaroon ng mga bitak sa mga school building at tirahan ng ilang residente na nagdulot ng mas matagal na suspensiyon ng klase sa Kananga. 

Naputulan ng kaliwang binti ang isang 11 anyos na estudyanteng babae nang maipit ito habang nangyayari ang malakas na lindol sa Leyte noong nakaraang linggo. 

Nanghihina pa rin ang estudyanteng babae habang nagpapagaling sa ospital sa Ormoc City. 

Pauwi na sana siya mula sa eskuwelahan nang mangyari ang malakas na lindol. Aksidenteng nahulog ang kanyang kaliwang binti sa nabitak na kalsada.

Nahirapan siyang bunutin ang binti dahil naipit na ito.

Mabuti na lang at may nakakita sa kanya, tinulungan siya, at hinatid sa kanilang bahay. 

"'Nung pumasok daw 'yung paa niya doon sa bitak ng kalsada, bumalik daw 'yun bitak parang nagshe-shake," kuwento ng ama ng bata. 

Hindi agad naisugod sa ospital ang bata dulot ng pagkabitak ng kalsada at dahil sa landslide. Nadurog na rin ang mga buto ng binti niya kaya pinutol na lamang ito. 

Suspensiyon ng klase sa Kananga, magpapatuloy pa

Suspendido pa rin ang klase ng mga estudyante sa ilang eskuwelahan sa Kananga, Leyte dahil sa pinsalang iniwan ng lindol. 

Ito ay dahil sa nasira ang mga gusali. Kung hindi man, ginagamit pa rin ang mga ito bilang evacuation center ng mga nalindol at nawalan ng tirahan. 

Tatlo sa limang gusali ng Barangay Lim-ao National High School ang napinsala ng lindol. 

Lubog ang isang bahagi ng isang gusali.

Basag naman ang haligi, bagsak ang kisame, at durog ang mga bintana ng gusaling ipinatayo ng Sagip Kapamilya. 

Dulot umano ito ng pagbulwak ng tubig sa lupa habang lumilindol, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Mayroon din namang eskuwelahang buo at di naapektuhan, ngunit di pa magagamit sa klase ng mga bata dahil evacuation center ang mga ito sa ngayon.

Ayon sa lokal na pamahalaan, makeshift classrooms muna ang gagamitin para matuloy ang pag-aaral ng mga bata. 

"Ang gagawin siguro, maggagawa na lang ng makeshift. 'Yun naman ang sabi nung DepEd, magbibigay sila ng temporary na classrooms. So 'yun ang hinihintay namin," ayon kay Kananga Mayor Rowena Codilla. 

Nag-iinspeksiyon naman ang lokal na pamahalaan sa mga school buildings sa Tacloban City. 

Ayon sa City Engineer's Office, may mga bitak sa dingding, pero minor cracks na itinuturing ang mga ito, at ligtas pang gamitin. Puwede pang kumpunihin ang San Jose Elementary School at ang Marasbaras National High School.

Kuryente sa Ormoc, maibabalik na

Magkakaroon na ng suplay ng kuryente bukas ng hapon ng Miyerkoles ang Ormoc kung sakaling maayos ang dalawang transformer ng National Grid Corporation of the Philippines na naapektuhan ng lindol sa Leyte.

Pinag-aaralan na rin ngayon ng Department of Energy na padalhan ng power barge ang mga apektadong probinsya, subalit mas mahal ang kuryente mula rito kumpara sa geothermal. 

Forty-five megawatts muna ang kuryenteng kayang idiretso bukas sa Ormoc. 

Pagdating ng Hulyo 16, may dagdag na kuryenteng 40 megawatts na manggagaling sa Tongonan plant. 

Sa kabuuan, may tatlong planta ng Energy Development Corporation ang matindi ang pinsala at mangangailangan pa ng ilang buwan bago maayos dahil oorderin pa sa abroad ang mga gamit at piyesa.

Plano rin ng Department of Energy na padalhan ng tatlong power barges na may kapasidad na 60 megawatts ang mga probinsyang walang kuryente. 

Gayumpaman, mas mahal ang kuryente nitong galing sa diesel kumpara sa geothermal.

"It's a choice between having power or no power at all. We will make sure it is reasonable," ayon kay DOE Undersecretary Wimpy Fuentebella. 

Nanindigan din ang DOE na maibabalik na ang karamihan sa power supply pagdating ng Hulyo 16, basta't maaayos ang dadaluyan ng kuryente.

-- Ulat nina Melanie Bingco, Jorge Cariño, at Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.