Lalaking gusto umanong pasabugin ang bahay, pinakulong ng nanay

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 08:50 AM

MAYNILA - Ipinakulong ng isang ina ang sarili niyang anak dahil sa pagtatangka umano nitong pasabugin ang kanilang bahay sa Barangay CAA, Las Piñas City.

Ayon kay Rosana Lisondra, labis siyang nabahala nang lagyan ng kanyang 32 anyos na anak na si Stanley ng tatlong pirasong "5 Star" na paputok ang kanilang kalan.

Kuwento ng ginang, bago ang insidente ay nagkaroon na ng mga pagtatalo ang pamilya sa mga usapin sa bahay at napatungan pa ng iba't ibang isyu.

Dagdag pa ng ginang, pinagbantaan na rin umano siya ni Stanley na gigilitan ng leeg matapos niyang isinumbong ang lasing at nagwawalang anak sa tatay nito.

Aminado naman ang suspek na nagpaputok siya ng "5 star" pero sa labas lang aniya ng kanilang bahay. Labag ito sa ordinansa sa Las Piñas, lalo't nakaalarma sa mga kapitbahay, ayon sa pulisya.

Lumalabas naman sa record ng pulisya na tatlong beses nang nakulong si Stanley nang masangkot sa away-kabataan. Aminado ang suspek na gumagamit din siya ng droga dati.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.