Grab, Uber minultahan ng tig-P5 M dahil sa mga kolorum na unit

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 06:56 PM | Updated as of Jul 11 2017 10:45 PM

Pinagbabayad ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng tig-P5 milyong multa ang Grab at Uber matapos umaming kolorum ang karamihan sa kanilang mga unit.

Sa pagdinig sa LTFRB, sinabi ng Grab at Uber na patuloy pa rin silang tumanggap ng mga aplikasyon mula sa mga gustong maging driver o operator kahit ipinatigil na ng gobyerno ang pagbibigay ng dagdag na prangkisa noong isang taon.

Halos 80% ng mga sasakyang dinedeploy nila ang kolorum o walang hawak na prangkisa o provisional authority.

Halimbawa, may 28,000 na aktibong unit ang Grab, pero halos 4,000 lang umano ang may papeles.

Magaan pa raw ang naging multa sa Grab at Uber dahil, kung iaayon sa regulasyon ng LTFRB, kanselasyon ng accreditation ng isang transport network corporation (TNC) ang magiging parusa sa mga ganitong paglabag.

Ayon sa LTFRB, isinaalang-alang nila ang kapakanan ng mga commuter.

Nagpasalamat ang Uber sa pagkilala ng LTFRB sa kahalagahan ng kanilang papel bilang alternatibong transportasyon at nangakong susunod at makikipagtulungan sa ahensiya.

Pahayag naman ni Bong Suntay, presidente ng Philippine National Taxi Operators Association, hindi patas ang desisyon ng LTFRB sa mga TNC dahil kung ibang pampublikong sasakyan ang may paglabag, suspendido lahat ng sasakyan sa ilalim ng kanilang prangkisa.

Ani Suntay, masyado umanong maliit ang P5 milyong multa dahil sa laki ng paglabag at laki ng kita ng mga TNC.

Dapat umano, isuspende muna ang operasyon ng Uber at Grab hanggang sumunod ito sa mga regulasyon ng LTFRB na dapat ipinatutupad sa lahat.

Nilinaw naman ng LTFRB na hindi porke't magbabayad ng P5 milyong multa ang Uber at Grab, maaari na nilang ipagpatuloy ang mga paglabag. Hindi umano titigil ahensiya sa panghuhuli sa mga colorum.

Isang technical working group ang ipatatawag sa susunod na linggo para malaman kung gaano kalaki ang demand sa mga transport network vehicle system.

Ito ang pagbabasehan para malaman kung ilang unit ang kailangan ng Uber at Grab, dahil ayon sa LTFRB, dapat magkaroon ng limitasyon para hindi sila makadagdag sa traffic sa kalsada.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.