54 preso, patay sa Calabarzon dahil sa overcrowding

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 10:03 PM

Umabot na sa bilang na 54 ang namamatay na detainees sa mga lock-up cell ng pulisya sa Southern Tagalog dahil pa rin sa overcrowding, ayon sa CALABARZON Police.

Pinakamaraming namatay na preso sa Cavite, habang wala pa namang naitatalang nasawing preso sa Quezon.

Bilang ng namatay sa loob ng kulungan:
Cavite – 39
Laguna – 7
Batangas – 3
Rizal – 5
Quezon – 0
Total: 54

Nito lamang nakaraang linggo, namatay habang ginagamot sa ospital ang isang detainee mula Bacoor City na si Leonardo Manuel dahil umano sa pagsikip ng paghinga. 

Ayon sa mga doktor, multiple organ failure, sepsis, at pulmonary tuberculosis ang ikininamatay ng preso.

Patay rin ang isa pang detainee mula Antipolo City na si Angelito Alday matapos mag-collapse o mawalan ng malay sa loob ng kulungan.

Bilang tugon sa problema, patuloy umano ang pakikipagugnayan ng Philippine National Police sa iba’t ibang pampubliko at pribadong sektor na makakatulong sa kanilang ahensya.

“So ang mga hepe po natin, they are making representations with the local government units and even with private individuals,” ani Chief Supt. Ma. O Aplasca, regional director ng CALABARZON Police.

“Kasi kung may may makita kaming isang bodega siguro dyan na pwede naming temporarily convert into detention facilities, pwede siguro," he said.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.