'Nagkamali pero di nagwalwal,' sabi ng ina ng bata sa kotse

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 09:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umalma ang ina ng batang tampok sa viral video sa mga paratang na "nagwalwal" o naglasing silang mag-asawa kaya nila iniwan ang kanilang anak sa loob ng nakaparadang sasakyan sa Pasig City.

"Hindi kami lasing. 'Di ako puwedeng uminom dahil breastfeeding ako," sabi ng ina nitong Martes sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon sa ina ng bata, pinag-iisipan nila ang pagsampa ng kaso laban kay Jasper Pascual, ang kumuha at nag-post ng video ng kanilang isang taong gulang na anak. 

"Kasi maling-mali po siya talaga doon. Hindi niya kami kinausap eh," anang ina.

Humarap din ang ina nitong Martes sa tanggapan ng Department of Social Welfare (DSWD) at inamin kay acting Secretary Virginia Orogo na nagkamali siya sa pag-iwan sa noo'y natutulog niyang anak sa loob ng sasakyan noong gabi ng Sabado.

Ipinaliwanag niyang kinailangan niyang mag-CR at pakainin ang isa pang anak sa restoran na mina-manage nilang mag-asawa.

Itinanggi rin ng ina na ilang oras niyang iniwan ang sanggol sa sasakyan.

"Mga five to 10 minutes. Wala akong intensiyong masama sa anak ko," sabi ng ina.

"Pinapangako ko na hindi ko uulitin iyong ginawa ko talaga, alam kong mali talaga ako. Sorry po sa lahat," aniya.

Una nang sinabi ni Pascual na may 10 minuto ang pagitan mula nang makita niya ang bata at nang humingi siya ng saklolo.

Sinabi rin ng isang rumespondeng guwardiya na dalawang beses niyang tinawag ang magulang ng bata.

Dagdag pa ng ina, mula nang mag-viral ang video ng anak niya ay apektado ang kanilang pamilya at trabaho.

"Nagme-message sa 'kin, pinagmumura ako, pinagmumura nila ako, pati mga kamag-anak ko, pati pamilya ko," aniya.

Nanindigan naman si Pascual na wala umano siyang ibang hangad sa pag-post ng video kundi ang matiyak ang kaligtasan ng bata.

"Hindi naman ako against sa iyo. Wala naman ako ginagawa. Ang gusto ko lang, awareness. Iyong ma-aware ka lang, na ma-call out lang iyong attention mo na kunin mo iyong bata," ani Pascual.

IMBESTIGASYON

Patuloy ang imbestigasyon ng DSWD sa kaso.

Nais din ni Orogo na ipatawag si Pascual para kuhanin ang kaniyang pahayag. 

Posibleng balaan ng DSWD ang magulang o pansamantalang kuhanin ang bata sa kanilang kustodiya.

"Okay naman, tingin ko parang isang nagkamali lang, nabigla lang siya (ina) siguro," sabi ni Orogo. "Pero siyempre tingnan pa rin natin."

Nanawagan din si Orogo sa mga nagpo-post ng video ng mga batang biktima na ideretso na lang sa kanila ang mga reklamo para maproteksiyonan ang mga bata. 

"Kasi iyong bata, paglaki niyan makikita niya 'yan and then maaalala niya. Baka magkaroon pa ng grudge sa kaniyang ina," paliwanag ni Orogo.

"May certain parang aspect ng confidentiality din dapat," dagdag niya.

Ayon sa isang psychiatrist, posibleng magkaroon ng epektong sikolohikal ang insidente sa bata pero maaari naman itong maagapan.

"Kung magkakaroon naman ng mga positive thoughts about it and hindi masyadong nangyari na ulit iyon. May possibility naman nao-okay 'yong bata," ani Dr. Bernadette Manalo.

Posibleng maging sanhi ng suffocation at severe dehydration kung maiiwan nang matagal sa loob ng sasakyan ang mga bata.

Sa website ng safety organization na Kids and Cards, 37 ang average na bilang ng mga batang namamatay kada taon matapos ma-trap sa loob ng sasakyan.

Namatay noong nakaraang taon ang isang batang nakulong ng halos 18 oras sa loob ng kotse sa Maynila.

--Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.