Pulis, iniimbestigahan dahil sa 'pagpapasuka' ng shabu sa suspek

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 07:52 PM | Updated as of Jul 10 2017 10:59 PM

Iniimbestigahan na ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) at Commission on Human Rights (CHR) ang panggugulpi ng pulis sa isang drug suspect na nasapul sa isang video noong Marso.

Inamin ni Chief Inspector Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz City police, na siya ang nasa video pero iginiit niya na edited ito. 

Makikita sa video na magkakasunod na hampas sa likod at dibdib ang inabot ng drug suspect na nahuli sa isang raid sa Ozamiz City noong Marso 9 sa bahay ng isang retiradong judge.

Pinapatingin pa mismo ang drug suspect sa camera habang sinasaktan.

Mangiyak-ngiyak ang ina ng suspek sa nangyari pero tumanggi na rin siyang magkomento dahil sa takot na may mangyaring masama sa anak habang nasa loob ng kulungan. 

Depensa ni Espenido, ginawa niya iyon para ilabas ang sachet ng shabu na nilunok umano ng suspek.

"Sa totoo lang hindi tayo makapagsabi na, 'Hello, sir. Puwede mo palabasin 'yung shabu, sir?' Pero wala man tayong problema, open naman tayo sa imbestigasyon," ani Espenido.

Kinondena naman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at CHR ang paglabag umano ni Espenido sa Anti-Torture Act.

Una nang inirekomenda ng Region 10-IAS na ibasura ang kaso laban kay Espenido dahil wala umanong probable cause.

Pero nang makita mismo ni Atty. Alfegar Triambulo, hepe ng PNP-IAS, ang video, kumbinsido siya na may pananagutan si Espenido kaya hindi pa sarado ang kaso laban sa kanya.

Iniimbestigahan din si Espenido ng PNP-IAS at CHR dahil inutos niyang ihilera ang 9 na napatay sa kanilang operasyon sa tapat ng city hall ng Ozamiz sa loob ng 12 oras. 

Hinamon naman ng VACC si PNP chief Director General Ronald 'Bato' Dela Rosa na itapon din sa Marawi si Espenido, gaya ng ginawa niya sa tinaguriang 'yantok cops' ng Mandaluyong.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.