Presyo ng karneng baboy, mababa na dapat: DA

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 08:31 PM | Updated as of Jul 11 2017 12:36 AM

Hinihinala ng Bureau of Animal Industry na nananamantala ang ibang supplier ng baboy dahil hindi pa rin bumababa ang presyo ng baboy sa ilang palengke.

Samantala, hindi na muna pinayagan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng ilang karne mula sa Brazil dahil sa salmonella. 

Nasa P230 kada kilo pa rin ang karne ng baboy kaninang umaga ng Lunes sa Nepa-Q mart. Ngunit, mura na dapat ngayon ang baboy, ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI). 

Noong nakaraang dalawang linggo pa kasi bumaba nang P10 ang farm gate price ng buhay na baboy, kaya dapat P180 hanggang P202 na lang ang basic cut, at hangggang P210 kada kilo ang magagandang hiwa ng baboy.

Ayon sa tindahan sa Nepa-Q Mart na napagbilhan ng mahal na baboy, mataas pa rin ang bigay ng supplier kaya hindi gumagalaw ang presyo. 

"Hindi naman nagbago. Hindi naman kami nagtatanong. Kung magkano bagsak sa amin, ganoon pa rin," ayon kay Boy Distajo, retailer ng baboy.

Hinala ng BAI, may nananamantala sa pagtaas ng presyo dahil sa kakulangan ng supply. 

"Maaaring sinasamantala ito ng ahente at retailer, ang perception na mahal pa ang baboy, pero dapat bumaba na," ayon kay Dr. Simeon Amurao Jr. ng BAI.

Itinanggi naman ng isang biyahero ng baboy na P130 na ang farm gate price. Aniya, ito raw ang presyo ng mga may babuyan sa bakuran. 

"Hindi totoo na P130/kg ang farm gate price. Nasa P134-P136/kg pa, steady lang. Depende 'yan sa farm at sa lugar na pinanggagalingan. 'Yung P130/kg ay backyard price," ayon kay Emmanuel Gumapos, isang livestock handler. 

Hindi rin sapat ang supply para mapababa ang presyo. 

"Kapag mas maraming baboy, mas maraming nag-aalok para hulihan sila, mas mababa ang presyo. Kaso wala sa ngayon. Kung talagang maraming baboy, minsan biyahero na magsasabi ng presyo, pero talagang sapat lang ang supply," dagdag pa ni Gumapos. 

Ayon sa BAI, Department of Trade and Industry (DTI) ang nagmo-monitor ng presyo. 

Sabi naman ng DTI, napagkasunduan na susuporta lang sila sa pagmo-monitor ng presyo. DA ang magtatalaga ng suggested retail price ng farm products. 

May 500 kilo ng karne, nagpositibo sa salmonella

Samantala, itinigil ng DA ang pagbibigay ng permit sa walong kompanyang nag-import ng karne ng baka at manok mula sa Brazil. 

Kasunod ito ng pagpositibo sa salmonella, isang mikrobyong nagdudulot ng food poisoning, ng 162,000 kilo ng karneng baka at 336,000 kilo ng karneng tinanggalan ng buto.

Binili mula sa bansang Brazil noong Mayo 10 hanggang Hunyo 20 ang mga karneng ito.

Umalma naman ang isang samahan ng meat traders na di dapat restriktuhan ang pagpasok ng karne dahil lang may salmonella. Namamatay umano ang bacteria kapag nalutong maigi ang karne. 

Anim na porsiyento ng imported beef sa Pilipinas ay galing sa Brazil. Ang nasabing bansa rin ang pinakamalaking nag-e-export ng mga karneng baka sa buong mundo.

Tinitingnan pa ng DA kung kailangan ba ng total ban ngayon sa karne mula Brazil. 

Noong Hunyo, ipinagbawal ng Estados Unidos ang pag-import ng mga karneng baka mula Brazil dahil sa umano'y pagbagsak din nito sa mga inspeksiyong pangkalinisan. 

Nagsasagawa naman ngayon ng imbestigasyon ang Brazil tungkol sa mga bakunang ibinibigay sa kanilang mga baka kontra sa foot and mouth disease. Anila, maaaring may kaugnayan ito sa mga nakikita nilang mga nana sa bangkay ng mga baka.

-- Ulat ni Carolyn Bonquin, ABS-CBN News; may ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.