NFA rice, sinisisi sa sakit na dumapo sa mga 'bakwit'

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 10:02 PM

Nagkakasakit ng cholera at pananakit ng tiyan ang ilan sa mga lumikas na pamilya mula sa Marawi City. Hinihinalang dulot ito ng bigas mula sa relief pack ng Department of Social Welfare and Development. 

Samantala, may ilang 'bakwit' na nagtitiis matulog sa dump truck na ginawang pansamantalang tirahan habang magdadalawang buwan na sa evacuation center ang mga residenteng lumikas mula sa Marawi City. 

Pantawid-gutom sa ilan ang patuloy na ipinamamahaging relief goods at bigas mula sa DSWD at mga pribadong sektor. 

Gayumpaman, may ilang bakwit na hinihiwalay ang Class A na bigas at NFA rice na ipinamamahagi ng DSWD, gaya ni Jamail Manungcaran. 

Ayon kay Manungcaran, ginagawa niya ito dahil hindi sanay kumain ng NFA rice ang kanyang misis. 

"Sa akin, ma'am, okay lang naman 'yung NFA, pero halimbawa, 'yung misis ko, pag kumakain kasi siya ng NFA parang di siya mapalagay ba. Sumasakit ang tiyan niya," kuwento ni Manungcaran. 

Inireklamo rin ng ilang mga evacuee sa Balo-i, Lanao del Norte ang amoy ng bigas na bigay din ng DSWD.

"Maitim at madilaw ang bigas, tapos may ibang amoy. Galing DSWD," ani Nasiba Merez, isa sa mga 'bakwit'. 

Nagkakaroon din ng diarrhea ang ilang mga bata. 

"Hindi na po kaya ng tiyan. Most kids are having diarrhea. Change relief goods sana. 'Yung rice sana, lagyan ng standard rice, not pure NFA," ayon sa social worker na si Nesphia Ali. 

Depensa naman ng DSWD ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, hindi pa napatutunayang ang bigas mula sa National Food Authority ang sanhi ng pagkakasakit ng ilang 'bakwit'. 

Nakaraang Biyernes pa lang nakapag-supply ng bigas ang NFA, at dumadaan naman umano sa quality inspection. 

Iba't ibang sakit, dumadapo pa sa mga 'bakwit'

Ayon sa provincial health office ng Lanao del Sur, 40,000 'bakwit' na ang nagkakasakit dahil sa sobrang stress.

Mayroon din may mga kaso na ng cholera. 

"At least 9 tested positive for cholera, but we were able to contain. Wala na 'yung problema na 'yon," ayon kay Dr. Alinader Minalang ng health office ng probinsiya.

Nagrasyon naman na ng masustansiyang pagkain ang lokal na pamahalaan sa ilang evacuation center para sa kalusugan ng mga 'bakwit'. 

Hinahanapan na rin ng paraan na mapunan ang kakulangan sa malinis na tubig. 

Ginagamot naman sa health center ang ilang nagkakasakit. 

'Tent city' para sa mga 'bakwit', inaayos na

Samantala, habang wala pang pinahihintulutang bumalik, inaayos na ng lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur ang 'tent city' na paglalagyan sa mga evacuees. 

"Mayroon pong kaunting miscommunication between landowners pero ngayon, nandito mga kababayan natin. They are willing to lend their land for those displaced residents. Napakiusapan natin sila, baka puwedeng magamit vacant spaces na pag-aari nila," ayon kay Mayor Majul Gandamra ng Marawi City. 

Magkakaroon ng isang tent ang bawat pamilya. Sa ngayon ay mayroon nang higit 200 tent na naipatayo ang DSWD. 

Inaasahang luluwag ang sitwasyon sa evacuation centers kapag nailipat na sila sa 'tent city'. 

-- Ulat ni Roxanne Arevalo at Ron Gagalac, ABS-CBN News