Nadamang lindol, aftershock, nadiskubreng mas malakas pa

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 07:13 PM | Updated as of Jul 11 2017 12:46 AM

Muling binalot ng takot ang mga residente ng Ormoc matapos maramdaman ang aftershock na kalaunan ay naitalang may lakas na magnitude 5.8, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). 

Nagsagawa na rin ng field observation si Phivolcs Director Renato Solidum sa Ormoc, at napag-alaman niyang ang lindol na naramdaman ng mga residente noong Huwebes ay nasa intensity 8, hindi lamang intensity 7. 

Maya't mayang nakararamdam ng aftershocks ang mga residente, gaya ng naranasan kaninang madaling araw, at hapon ng Linggo, subalit iba ang lakas na naramdaman kaninang umaga ng Lunes sa Ormoc. 

Dahil dito, lalong natakot magbalikan sa kani-kanilang mga bahay ang mga nakatira sa bulubunduking barangay. Naiyak din ang mga tao habang nasa aktong gumagalaw ang lupa. 

Umabot sa magnitude 5.8 ang lakas ng lindol na naranasan kaninang umaga ng mga taga-Ormoc. 

Bago naramdaman ang malakas na aftershock, naroon sa barangay Tongonan si Phivolcs Director Renator Solidum. 

Sinundan niya ang bitak sa lupa na nilikha ng galaw ng Leyte segment Philippine fault. 

Kalahati ng sahig ng basketball court ng barangay ay mataas, habang kalahati niyon ay mababa. 

Nakitahan ng bitak ang sahig ng basketball court sa Barangay Tongonan sa Ormoc. Photo from Phivolcs Facebook page

Sa pagtatanong sa mga residente, natuklasan naman ni Solidum na hindi lang intensity 7 kung di intensity 8 pa ang epekto ng lindol na naranasan ng mga residente roon nang yumanig ang lupa noong Huwebes ng nakaraang linggo. 

Mayroon kasing mga natutumba nang mga residente noon habang yumayanig ang lupa. 

Mahigpit naman ang tagubilin ng Phivolcs na huwag nang magtatayo ng anumang istruktura sa ibabaw ng fault line. 

Binanggit din ni Solidum ang tatlong bahagi ng rekomendasyon ng Phivolcs sa pamahalaan. 

Una ay huwag magtatayo ng anumang istruktura sa ibabaw ng fault line. 

Ikalawa ay ang relokasyon ng mga residenteng nasa ibabaw o malapit sa fault line. 

Pangatlo, kung may itatayong istruktura, magtanong muna sa Phivolcs, at handa naman silang tumulong. 

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.