Mga nakamotor, pinakamadalas mahuli sa distracted driving: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 09:01 PM | Updated as of Jul 11 2017 12:49 AM

Numero unong lumalabag sa Anti-Distracted Driving Act (ADDA) ang mga nagmamaneho ng motorsiklo, ayon sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Mula nang ipatupad noong Hulyo 6, nasa 204 na ang naitalang lumabag sa ADDA. Nasa 95 dito ang nakamotorsiklo, samantalang 43 ang nagmamaneho ng pribadong mga sasakyan. Pumangatlo rito ang mga public utility vehicle drivers.

Na-video-han ang mga ito na tumatawag o sumasagot ng tawag o nagte-text lalo na kapag nakahinto sa mga intersection. 

Simula bukas, matatanggap na ng mga lumabag ang kanilang summons at ticket citation. Nakalagay sa citation ang picture o screengrab ng violation, oras nang mahuli, location, at kung anong batas trapiko ang nailabag. 

Naroon din ang detalye ng registered owner ng sasakyang gamit ng violator, plate number, at address ng may ari ng sasakyan.

Kung nakatanggap ng summon at ticket citation ang registered owner pero hindi ito ang nagmamaneho nang oras na na-videohan at naplakahan ang kotse, kailangang magpunta ito sa MMDA at magpaliwanag. 

Kung nabenta naman ang sasakyan at iba na ang may-ari, kailangan ding magpaliwang ang registered owner sa MMDA sa Orense, Makati.

Kung mag-aapela naman, kailangang pumunta sa Adjudication Board ng MMDA at doon magpaliwanag.

Sa Metrobank, SM billing stations at Bayad Centers lang dapat magbayad ng penalty.

Sa unang araw ng panghuhuli, nagtala ng 141 violators ang MMDA. Bumaba naman ito sa 31 noong Biyernes at 9 sa buong araw ng Sabado. Noong Linggo, umakyat ito sa 35. 

Bagama't bumaba na ang dami ng mga nahuhuli ng MMDA sa no- contact apprehension policy, mayroon pa ring mga pasaway na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.

Paalala ng MMDA, walang tigil ang pagmo-monitor at panghuhuli nila araw-araw.

Ayon kay Ronnie Rivera, pinuno ng no-contact apprehension team ng MMDA, sa loob ng dalawang linggo, makikita na sa datos nila kung ano ang impact ng ADDA sa pagbawas ng mga aksidente sa kalsada.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.