Leyte at ilan pa sa Visayas, nakaranas uli ng pagyanig

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 01:45 PM | Updated as of Jul 11 2017 12:30 AM

Niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang Ormoc City alas-9:41 ng umaga ng Lunes. Naramdaman din ang pagyanig sa iba pang bahagi ng Kabisayaan. 

Ito ang pinakamalakas na aftershock na naitala matapos ang magnitude 6.5 na lindol noong Huwebes ng hapon, ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum. 

Naitala ang sentro ng pagyanig Lunes ng umaga, 15 kilometro sa hilagang silangan ng Ormoc, sa lalim na anim na kilometro. 

Naramdaman ang intensity 6 sa Ormoc City, Leyte; intensity 5 sa Kananga, Leyte; intensity 4 sa Mayorga at Tacloban, parehong sa Leyte, at Mandaue City, Cebu; habang intensity 3 sa Loay at Jagna, parehong sa Bohol, at Cebu City; at intensity 2 sa Lapu-Lapu City, Cebu, at Cadiz City, Negros Occidental. 

Naitala rin ang dalawang magkasunod na aftershock na may magnitude 3.3 at 3.2 matapos ang lindol na ito. 

Pinaghahanda ni Solidum ang mga residente lalo na sa Ormoc sa posibilidad ng mga aftershock dahil sa inaasahang pinsala nito. 

"Puwede pong magka-landslide, aftershocks, at dagdag na pagkasira sa mga bahay. Posible pa po ang mga aftershocks sa mga susunod na mga araw. Huwag po silang mag-alala dahil malakas lang po ang lindol, pero kung wala pong damage ang inyong mga bahay at gusali, di kayo maapektuhan ng mga aftershocks matapos ang magnitude 6.5 na earthquakes. Malakas lang kaya ang mga tao dapat alam ang ginagawa kapag lumilindol para maprotektahan ang kanilang sarili," ayon kay Solidum. 

Paglikas ng mga residente sa Ormoc

Matapos ang naramdamang aftershock kanina, napilitang lumikas ang mga residenteng nananatili pa rin sa kanilang mga bahay sa Barangay Danao sa Ormoc City. 

Nauna nang magbabala at magrekomenda ang mga opisyal ng Mines and Geosciences Bureau at Phivolcs na lumikas na dahil mas mararamdaman nila ang aftershocks sa lugar. 

Aabot sa 420 pamilya ang lumikas sa Barangay Danao. 

Ilang estudyante, nataranta; mga klase sa Tacloban, suspendido

Tumakbo sa quadrangle ang mga estudyante matapos ang naramdamang aftershock. Annie Fe Perez, ABS-CBN News

Bagama't may ilang estudyanteng nagawa nang tama ang ginagawa tuwing earthquake drill, marami pa rin umano ang nataranta at may ilan pang inatake ng asthma at muntik nang himatayin dahil sa takot. 

Suspendido naman ang klase sa lahat ng antas sa Tacloban City matapos ang malakas na aftershock. 

Dahil dito, bumigat ang daloy ng trapiko sa sentro ng Tacloban dahil naglabasan na ang mga estudyante, lalo na sa bahagi ng Leyte National High School dahil magkakalapit ang mga eskuwelahan at unibersidad doon. 

-- Ulat nina Annie Fe Perez, Melanie Bingco, at Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.