'Iwas-sakit' na solusyon sa problemadong mag-asawa, itutulak ni Speaker

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 03:20 PM

Nag-alok ng solusyon si House Speaker Pantaleon Alvarez para sa mga mag-asawang hindi masaya sa kanilang pagsasama. 

Ayon kay Alvarez, isa sa mga adbokasiya niya sa ikalawang regular na sesyon ng 17th Congress ang panukalang batas para sa 'dissolution of marriages'. 

Sa ilalim ng panukalang batas, hindi na daraan sa mahabang proseso ng annulment ang mag-asawa at pahihintulutan silang parehong maghain ng petisyon sa korte para sa 'dissolution of marriage'.
 
"Gawin nating hindi painful sa parties kasi 'yung annulment, painful masyado sa families kasi ang dami eh. 'Yung kabilang party aakusahan mo na merong psychological incapacity 'di ba. Dito dissolution of marriage, sabihin natin both parties will agree. 

Ngayon, 'di puwede that's a ground for denial of annulment, collusion between the parties. Bakit niyo gagawin 'yan? Dito sa batas na ito both parties can agree and jointly petition the court for the dissolution of the marriage," ani Alvarez. 

Ipinaliwanag ni Alvarez na hindi ito isang 'divorce bill' pero naglalayon lang itong palayain ang mga mag-asawang hindi na masaya sa kanilang pagsasama.

"Hindi ito divorce, dissolution of marriage ito. Halimbawa, 'di tayo magkasundo, 'di na tayo masaya sa isa't isa, we can go to court and petition jointly for the dissolution of our marriage. Then doon sa petition na iyon mag-agree na tayo, custody of children, paano mo hatiin 'yung properties. Ang duty ng judge, ministerial na lang. Titingan niya kung walang intimidation, kung may free will ba ang parties to enter into an agreement na di-dissolve ang marriage," aniya.

Dagdag ni Alvarez, kapag inayawan ng isang partido ang dissolution, maaaring magpetisyon ang kabilang partido sa korte sa kadahilanang hindi na ito masaya.

"Ayaw nu'ng isang party na i-dissolve ang marriage, isang party can petition the court based on unhappiness, 'di na ko masaya eh. 'Di ba petition, so hearing 'yan, bakit di ka na masaya," ani Alvarez. 

Ayon kay Alvarez, hindi nagpapahina ng institusyon ng kasal ang itinutulak niyang batas. Sa halip, nagpapalakas pa umano ito sa mga mag-asawa na panatilihing masaya ang kanilang pagsasama. 

"Ito mas napoprotektahan natin 'yung marriage as an institution. Why? Because 'pag nagpakasal ang two parties kailangan 'yung spouses na 'yun must see to it na masaya 'yung kanyang partner. 'Di ba kasi ngayon pagkatapos ng kasalan, isang party, balik sa barkada inom dito, inom doon," aniya.

Bukod sa dissolution of marriage, hinahangad din ni Alvarez na magpasa ng batas na magbabawal sa mga isinasagawang kasal para lang sa pera o ginahwa. 

Sinabi niyang maghahain siya ng panukalang batas na magbabago ng family code para mabuwag ang 'absolute community property regime' sa mga kasal at maibalik ang status ng ari-arian sa panahong kinontrata ang kasal.

"Siyempre kung 'yun ang consideration, hindi purely because of love, hindi magiging successful 'yung marriage," ani Alvarez.

Ipinaliwang ni Alvarez na sa ilalim ng kanyang panukala, hindi na kailangang magpirmahan ng prenuptial agreement para mapanatiling magkahiwalay ang ari-arian ng mag-asawa.

"Magkaamyendahan natin ulit 'yan, tatalakayin natin dito sa House. 'Pag walang marriage settlement, complete separation of property ang presumption and default provision complete separation of property para maiwasan natin 'yung nagpapakasal dahil sa pera, dahil mayaman ang lalaki, dahil mayaman ang babae. 'Di ba kultura ng Pilipino nahihiya tayong magpapirma ng marriage settlement," aniya.

Kapag naaprubahan ang panukalang batas, mananatiling magkahiwalay ang ari-arian ng mag-asawa kahit na naikasal na. 

Sa kasalukuyan, nagiging ari-arian na rin ng isa ang ari-arian ng kanyang asawa maliban na lang kung may prenuptial agreement. 

"Dati sa Civil Code natin 'pagka walang marriage settlement automatic nakalagay conjugal partnership ang regime of property. Inamendahan ito ng Family Code ginawa from conjugal, ginawa community property halo halo na lahat," ani Alvarez. --Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.