Alamin: Dalang peligro sa kalusugan ng ‘street food’

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 08:33 PM

Di na marahil mawawala sa panlasa ng masa ang mga bagong lutong fish ball, squid ball, at kikiam. Nariyan din ang siomai at instant noodles na di lang nakabubusog, swak na swak din sa budget.

Pero may paalala ang Department of Health (DOH) sa mga suki ng ‘street food’ o mga pagkaing karaniwang inilalako sa kalye.

Ayon kay Luz Tagunicar, National Nutrition Program Coordinator ng DOH, maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng sakit ang pagkain ng street food.

“Puwedeng magdulot ng hypertension [ang street food] dahil sa fats, puwede ring cardiovascular diseases,” ani Tagunicar.

Kaya naman iminungkahi ni Tagunicar ang pagkain ng prutas at gulay araw-araw.

Hindi naman daw magastos ito; katunayan, madali lang magpatubo ng gulay sa sariling bakuran.

Di problema kung walang bakuran ang tirahan dahil puwede ring magpatubo ng gulay sa mga ni-recycle na bote ng soft drinks. Kailangan lang itong hugasan, gupitin, lagyan ng maliliit na butas at ng lupang pagtatamnan ng gulay.

Ayon din sa DOH, sa katagalan, mas makamumura sa pagkain ng gulay at prutas kumpara sa magiging gastos kapag nagkasakit dahil sa pagkaing di masustansiya. -- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.