2 nakunan sa CCTV na sumama sa pulis, patay sa ‘engkuwentro’

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 09:06 PM | Updated as of Jul 11 2017 12:40 AM

Patay ang dalawang lalaki matapos umanong mapa-engkuwentro sa mga pulis sa Tondo, Maynila, nitong Sabado, Hulyo 8. 

Pero tila taliwas iyan sa kuha ng CCTV sa parehong dalawang lalaking di naman nanlaban nang sumama sa mga pulis matapos silang arestuhin.

Ayon sa spot report ng Manila Police District (MPD) Station 7, nagsasagawa noon ng operasyon ang mga pulis dahil sa serye ng pagtangay ng mga motorsiklo sa lugar.

Tiyempong dumaan daw noon si Reden Tibor at kaniyang angkas na di pa nakikilala. Bigla umanong pinagbabaril ng magkaangkas ang mga pulis. Hinabol sila hanggang sa maabutan dahil sumemplang daw ang kanilang motor. Doon na sila nabaril ng mga pulis. Dinala pa raw ang dalawa sa ospital pero kapwa idineklarang ‘dead on arrival’.

Kung pagbabasehan naman ang kuha ng CCTV ng Brgy. 12 sa Tondo, Maynila pasado alas-2 ng madaling araw nitong Sabado, makikitang sumakay ang nakaposas na sina Tibor at kaniyang kasama sa dumating na police mobile. Walang nakunang anumang engkuwentro sa pagitan ng mga pulis at dalawang inaresto.

Kaya naman laking gulat ng mga kaanak nang datnan na nilang patay sa punerarya si Tibor.

Bukod sa mga tama ng bala, puno rin ng pasa at may mga butas pa umano ang mukha at katawan ni Tibor na tila ba pinahirapan siya bago pinatay.

Hindi kumbinsido ang pamilya ni Tibor na nanlaban siya, kaya plano nilang idulog ang insidente sa Commission on Human Rights.

Nangako naman ng patas na imbestigasyon ang hepe ng MPD Station 7.

Samantala, naaresto rin noong Sabado ang nakatatandang kapatid ni Tibor na si Ryan at ang angkas naman niyang si Robin Babiano na kapwa nakakulong ngayon sa Station 7.

Base sa records ng pulisya, parehong dati nang may kaso ang magkapatid tulad ng pagtangay ng motorsiklo, pagnanakaw, at ilang asuntong konektado sa ilegal na droga. 

Dumating din sa presinto ang ilang nabiktima umano ni Tibor.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.