Dalawa, patay sa buy-bust sa Malolos

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2017 08:13 AM

MANILA - Napatay ng mga pulis ang dalawang hinihinalang tulak ng droga nang mauwi umano sa engkwentro ang buy-bust operation sa Malolos, Bulacan kaninang madaling araw.

Kinilala ni Malolos City police chief Supt. Heryl Bruno ang mga nasawi na sina alyas Sherwin at alyas Kent na parehong nasa drugs watchlist ng pulisya.

Ayon kay Bruno, nangyari ang engkwentro sa loob mismo ng apartment ng mga suspek sa Blas Ople Road, Brgy. Bulihan.

Bibili sana ng P500 hanggang P1,000 ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer pero nakatunog umano ang mga suspek kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang operatiba pero walang tinamaan.

Dahil dito ay napilitan umanong gumanti ang mga pulis na nagresulta sa agarang kamatayan ng mga suspek.

Una na daw sumuko si alyas Sherwin sa "Oplan Tokhang" pero nagpatuloy pa rin sa iligal na gawain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.